A Banquet of Heroes ng PBA Press Corps
MANILA, Philippines - Pararangalan ngayong gabi ang mga nakalipas at kasalukuyang basketball players at mga indibidwal na nagpakita ng husay sa nakaraang PBA season sa pagdaraos ng PBA Press Corps ‘A Banquet of Heroes’ na inihahandog ng Meralco sa Wack Wack Golf Club.
Malalaman kung sino ang tatanggap ng Coach of the Year at ng Executive of the Year sa formal affair na magsisimula sa ganap na alas-7 ng gabi sa Banquet B, habang ang pinagdaanan ng Gilas Pilipinas para makapaglaro sa 2014 FIBA World Cup ay ibabahagi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president at PBA team owner Manny V. Pangilinan.
Paborito si Luigi Trillo ng Alaska na manalo sa Coach of the Year award, ipinangalan kay legendary mentor Baby Dalupan, samantalang ang Team PBA ay inaasahang kikilalanin bilang Danny Floro Executive of the Year.
Ang Bogs Adornado trophy para sa Comeback Player of the Year ay ibibigay din at papangalanan naman ang SK Zic-All-Rookie Team.
Tatanggapin ni LA Tenorio ng Barangay Ginebra ang Accel Order of Merit award bilang player na na-bigyan ng pinakamaraming Player of the Week citations noong nakaraang season.
Napanalunan ni Gary David, maglalaro para sa Meralco sa darating na 39th Season, ang Scoring Champ title sa ikalawang sunod na taon, samantalang si Marc Pingris ng San Mig Coffee ang napiling Defensive Player of the Year.
Sina Quinito Henson at Sev Sarmenta ang magsisilbing emcee sa okasyon kung saan pararangalan ng mga miyembro ng 1973 at ng 1986 champion Asian Basketball Confederation ang Gilas Pilipinas na naka-silver sa nakaraang FIBA-Asia Men’s Championships.
Bukod kina Adornado, Manny Paner, Yoyong Martirez at Jimmy Mariano ng 1973 team, dadalo rin sina Samboy Lim, Hector Calma, Jerry Codiñera, Tonichiu Yturri at Franz Pumaren ng 1986 squad.
- Latest