Lakers, Miami at Denver nakalusot
HOUSTON — Pumukol si Steve Blake ng 3-pointer sa huling 1.3 segundo ng laro upang ihatid ang Los Angeles Lakers sa 99-98 panalo kontra sa Houston at kanilang ex-teammate na si Dwight Howard nitong Huwebes.
Napigilan din ng Miami ang Los Angeles Clippers at naungusan ng Denver ang Atlanta.
Lamang ang Houston ng dalawang puntos nang kinuha ni Blake ang inbounds pass at pakawalan ang game winning triple.
May tsansa ang Rockets na ipanalo ang laro bago tumunog ang final buzzer, ngunit tumalbog ang triple attempt ni Patrick Beverley sa backboard.
Nagtala si James Harden ng 35 points at tumapos si Howard ng 15 points at 14 rebounds laban sa kanyang dating team. Nagmintis si Howard ng pitong free throws sa huling 3 1/2 minutes na nagpanalo sana sa Houston.
Nagtala naman si Dwyane Wade ng 11 sa kanyang 29 points sa fourth quarter upang ihatid ang Heat sa 102-97 panalo kontra sa Clippers.
Nagdagdag si LeBron James ng 18 points para sa Heat (4-2), na nanalo ng kanilang ikatlong sunod at dinugtungan ang kanilang club record sa pag-iskor ng hindi bababa sa 100 points sa ikaanim na sunod na panalo sa pagsisimula ng season.
Nagposte naman si Ty Lawson ng 23 points at eight assists nang takasan ng Denver ang Atlanta sa 109-107 panalo na una para kay head coach Brian Shaw.
Nagdagdag si Nate Robinson ng 15 points at si JaVale McGee ay may 14 para sa Denver na bumangon mula sa eight point deficit sa fourth quarter bago nalagpasan ang paghahabol ng Atlanta.
- Latest