Malinis pa rin ang Pacers
AUBURN HILLS, Mich. -- Tumipa si Paul George ng 31 points at tanging ang Indiana Pacers na lamang ang koponan sa NBA na hindi pa natatalo matapos kunin ang 99-91 tagumpay laban sa Detroit Pistons.
Dinuplika ng Pacers ang kanilang pinakamagandang panimula sa franchise history.
Mayroon silang 4-0 record sa unang pagkakataon matapos noong 2004-05 season.
Sinayang ng Indiana ang isang 15-point lead sa first half ngunit muling nakontrol ang laro sa third quarter.
Nagdagdag si C.J. Watson ng 15 points at may 12 si David West para sa Pacers.
Pinamunuan naman ni Brandon Jennings ang Piston sa kanyang 17 points.
Samantala sa Portland, gumawa si James Harden ng 33 points, habang humakot si Dwight Howard ng 29 points at 13 rebounds para igiya ang Houston Rockets sa 116-101 paggupo sa Trail Blazers.
Nag-ambag sina Jeremy Lin at Patrick Beverley ng tig-12 points para sa Rockets (4-1).
Umiskor naman si Damian Lillard ng 22 points kasunod ang 21 ni LaMarcus Aldridge at 19 ni Wesley Matthews para pangunahan ang Blazers (2-1).
- Latest