Casimero itataya ang korona laban kay Salguero
MANILA, Philippines - Ipagtatanggol ni IBF junior flyweight champion John Riel Casimero ang kanyang titulo laban kay Felipe Salguero ng Mexico ngayong hapon sa Makati Coliseum.
Mapapanood ang labang tinaguriang, ‘Laban ng Lahi: Tapatan ng Tapang,’ sa GMA Channel 7 sa alas-10:15 ng gabi matapos ang Celebrity Bluff.
Masusundan ang live blow-by-blow account ng salpukan nina Casimero at Salguero sa DZBB 594, ang flagship AM station ng GMA, simula alas-4 ng hapon.
Sumikat si Casimero nang kunin niya ang IBF interim light flyweight belt mula kay Luis Lazarte ng Argentina noong 2012 kung saan nagkagulo pa matapos ang laban dahil sa hindi matanggap ng mga Argentinian fans ang pagkapanalo ng Pinoy pug.
Sa kanyang unang pagtatanggol sa junior flyweight title noong Agosto 2012 ay pinatumba ni Casimero si Pedro Guevarra ng Mexico sa unang round at napanatili ang kanyang title via split decision.
Naidipensa ni Casimero ang kanyang korona sa pangalawang pagkakataon matapos biguin si WBC Latino light flyweight champion Luis Alberto noong Marso.
Ang huli namang panalo ni Salguero ay noon pang 2012 nang patumbahin niya si Carlos Melo sa loob lamang ng 5 rounds.
Natalo si Salguero kay Donnie Nietes para sa WBO light flyweight title at kontra kay Luis Rios ng Panama sa IBF title eliminator sa pareho ring taon.
- Latest