Casimero magdedepensa ng titulo
MANILA, Philippines - Sa ikatlong sunod na pagkakataon ay idedepensa ni Johnriel Casimero ang kanyang suot na International Boxing Federation (IBF) light flyweight title bukas ng gabi sa Makati Coliseum.
Itataya ni Casimero ang kanyang hawak na IBF crown laban kay Mexican challenger Felipe Salguero.
“Magandang laban po ito at gagawin ko ang lahat para manalo ako sa harap ng mga kababayan natin,†sabi kahapon ni Casimero sa panayam sa kanya sa Unang Hirit sa GMA Channel 7.
Ang unang dalawang title defense ng 23-anyos na tubong Ormoc City, Leyte ay ginawa sa Panama at Mexico.
Umiskor si Casimero ng isang 12-round split decision victory laban kay Pedro Guevara sa Mexico noong Agosto ng 2012 kasunod ang unanimous decision victory kontra kay Luis Alberto Rios sa Panama noong Marso 16 nitong taon.
Kasalukuyang taglay ni Casimero ang kanyang 18-2-0 win-loss-draw ring record kasama ang 10 knockouts kumpara sa 18-4-1 (13 KOs) ng 31-anyos na si Salguero.
Si Casimero ang isa sa tatlong Filipino world champion sa kasalukuyan matapos sina light flyweight Donnie Nietes (World Boxing Organization) at minimumweight Merlito Sabillo (World Boxing Organization). Tinalo ni Nietes si Salguero via unanimous decision noong Hunyo 2, 2012 sa Resorts World Hotel and Casino sa Pasay City.
- Latest