Shakey’s V-League post mortem: Maraming naalala si Pamilar sa tagumpay ng Cagayan volleybelles
MANILA, Philippines - Ang pagdodomina ng Cagayan Province sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference ang nagbalik sa masasayang alaala ni coach Nestor Pamilar noong nasa koponan pa siya ng Letran at FEU.
Ang mga collegiate squads na ito ay dating inaniban ni Pamilar at napagkampeon sa NCAA at UAAP.
“Kasama ako sa FEU as a player, na nanalo sa UAAP noong 1986 na tumapos sa 37-year drought. Ako naman ang coach ng Letran women’s team na tinapos ang 12-year drought noong nagkampeon sa NCAA noong 1997,†wika ni Pamilar.
Gumawa uli ng kasaysayan sa kanyang volleyball career si Pamilar nang gabayan niya ang Lady Rising Suns sa titulo nang walisin ang best-of-three finals nila ng Smart-Maynilad.
Ang 2-0 karta sa championship ang tumapos sa 16-0 sweep na unang nangyari sa kasaysayan ng ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Kung may pagkakatulad ang mga makasaysayang panalo na ito, ito’y ang pagkakaroon ng magandang samahan na siyang susi sa tagumpay.
Tinuran din ni Pamilar ang matagal na panahong nagkasama-sama ang mga locals ang nakatulong din kaya’t walang naging problema sa team chemistry kahit dumating ang dalawang mahuhusay na Thai imports na sina Kannika Thipachot at Phomla Soraya.
“Sa Tuguegarao Open pa lamang ay magkakasama na kami. Sa tagal nga ay familiar na kami sa isa’t-isa at alam na namin ang strengths at weaknesses namin. Sinuwerte pa kami na nagkaroon ng mahuhusay na imports,†dagdag ni Pamilar.
Si Thipachot ang naghatid ng mahahalagang puntos habang si Soraya ang kanilang setter. Sa husay ng pagdadala ni Soraya, siya ang kinilala bilang Finals MVP.
Hindi naman maisasantabi ang husay ng mga locals sa pamumuno nina Aiza Maizo, Angeli Tabaquero, Wenneth Eulalio, Pau Soriano at Shiela Pineda na nagbigay ng solidong suporta. Mahirap nang tapatan ang nagawa ng Cagayan kaya’t ito ang siyang magiging dagdag hamon sa koponan sa gagawing pagdepensa sa titulo sa susunod na taon.
- Latest