Unang panalo sa 2013 ng Pugad Lawin
MANILA, Philippines - Nakakuha rin ng malaking panalo ang Pugad Lawin sa taong 2013 nang pagharian ang PCSO Anniversary Race kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Pat Dilema ang sumakay sa ikalawang sunod na pagkakataon sa apat na taong colt at mabangis pa rin ang takbong ipinakita ng Pugad Lawin nang magbanderang-tapos ito sa 1,600-metro distansyang karera.
May 1:40.2 winning time ang Pugad Lawin sa kuwartos na 25, 24’, 24’, 26’ para masundan ang panalo na nailista noong Oktubre 4 sa isang special class division race sa nasabing pista.
Ang anak ng Refuse To Bend sa Unstoppable ay nagbulsa ng P900,000.00 unang gantimpala mula sa P1.5 milyon na ibinigay ng nagtaguyod na Philippine Cha-rity Sweepstakes Office (PCSO).
Nabitbit naman ng Leonor ang P300,000.00 premyo habang ang Divine Eagle na ginabayan ni Mark Alvarez ay nakaungos sa hamon ng Stand In Awe ni Jessie Guce para sa ikatlong puwesto at P200,000.00 premyo.
Ang Boss Jaden na hawak ni JB Bacaycay ang siyang napaboran sa karera ngunit wala ang dating bilis ng kabayo para malagay lamang sa ikalimang puwesto. Dahil dehado pa, ang win ng Pugad Lawin ay nagkahalaga ng P24.00 habang nasa P156.00 ang dibidendo sa 5-1 forecast.
- Latest