Twice-to-beat na ang Letran
MANILA, Philippines - Sa pagkakataong ito, ang Letran ang siyang nakitaan ng bangis sa first half para dominahin ang Perpetual Help, 74-61 at angkinin ang twice-to-beat advantage sa semifinals ng 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Isang 15-0 bomba na pinamumuan nina Kevin Racal at Raymund Almazan ang siyang ginawa ng Knights sa pagbubukas ng ikalawang yugto para kunin ang 34-20 kalamangan at wala nang lingun-lingon na iniwan ang Altas.
Ito ang ika-13 panalo sa 16 laro ng Knights upang itulak na rin sa twice-to-beat ang pahingang San Beda na mayroon ding katulad na baraha.
“Ang goal namin heading into this game is to get the twice-to-beat advantage. Masaya ako dahil nagawa namin ito. Mahalaga ito sa Final Four,†wika ni first year Letran coach Caloy Garcia.
Si Kevin Racal ay mayroong 18 puntos, 7 rebounds at 5 assists para pamunuan ang tropa ni coach Caloy Garcia na naibaon din sa limot ang bangungot ng 66-80 pagkatalo sa Altas sa unang ikutan.
May 15 rebounds at 11 puntos si Almazan bago na-foul out sa laro bunga ng isang technical dahil sa labis na pagrereklamo sa puntong hawak ng Knights ang 68-53 kalamangan.
Ito ang ikatlong sunod na pagkadapa ng tropa ni coach Aric del Rosario para malaglag sa 11-6 baraha.
Huling asignatura ng Altas ay laban sa San Sebastian at kailangan nila itong maipanalo para lumakas ang kapit sa mahalagang ikatlong puwesto papasok sa Final Four na isang crossover format.
Sa juniors division, nanalo ang Altalettes sa Squires, 77-70, habang ang St. Benilde-La Salle Greenhills ay namayani sa Lyceum Junior Pirates, 88-50.
- Latest