Pacquiao nagpalit ng sparring partner
MANILA, Philippines - Hindi pa man nag-iinit sa kanyang sparring session ay isang sparmate na ni Manny Pacquiao ang pinalitan.
Matapos mapabagsak ni Pacquiao mula sa isang overhand left cross sa second round noong Sabado sa Pacman Wild Card Gym sa General Santos City ay na-ngayaw na si Filipino middleweight prospect Marlon Alta.
Sinasabing wala sa kanyang porma at kondisyon ang 5-foot-10 na si Alta (12-3-0, 9 KOs) na isang dating Philippine middleweight titlist. Huling lumaban ang 23-an-yos na si Alta noong Oktubre ng 2012 kung saan siya napatulog sa sixth round.
Ang kapalit ni Alta na si light welterweight Dan Nazareno (17-10-0, 13 KOs) ay inaasahang darating ngayon sa General Santos City mula sa Manila para maka-sparring ni Pacquiao (54-5-2, 38 KO’s).
Bukod kay Alta, nakasabayan din ng Filipino world eight-division champion si welterweight Frederick Lawson (21-0-0, 19 KOs) ng Ghana.
Muntik nang mapabagsak ng 34-anyos na Sarangani Congressman si Lawson sa isa nilang sparring session.
Si Lawson ang kasalukuyang International Boxing Federation (IBF) international welterweight ruler.
Makakasama ni Pacquiao sa kanyang pagsasanay si dating strength and conditioning coach Justin Fortune na ipinalit niya kay Alex Ariza.
Si Ariza ay kinuha ni Mexican chief trainer Robert Garcia para ihanda si Brandon ‘Bam Bam’ Rios (31-1-1, 23 KO’s).
Kasabayan ni Rios, ang dating world lightweight titlist, sa sparring sina Karim ‘KC’ Martinez at Rashad Hughes.
Magtatapat sina Pacquiao at Rios sa Nobyembre 24 para sa World Boxing Organization (WBO) interim welterweight crown sa The Venetian sa Macau, China.
- Latest