Smart-Maynilad diniskaril ang Army
MANILA, Philippines - Tinapos ng Smart-Maynilad ang paghahabol ng Philippine Army sa unang puwesto matapos ang 25-18, 22-25, 25-23, 20-25, 15-13 panalo sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Mahusay na nagsanib ng puwersa sina Thai import Lithawat Kesinee at Alyssa Valdez para maipaghiganti rin ng Net Spikers ang pagkatalo sa Lady Troopers sa elimination round.
Ito ang ikapitong panalo sa 11 laro ng tropa ni coach Roger Gorayeb at si Kesinee na gumawa ng 23 hits at Valdez na may 20 puntos ay nagsanib sa 35 kills at pitong blocks.
Nasayang ang tig-19 hits nina Jovelyn Gonzaga at Rachel Anne Daquis sa paglasap ng ikalawang kabiguan sa 11 laro ng Army.
Dahil dito, ibinigay na sa walang talo na Cagayan Valley (11-0) ang unang puwesto dahil hindi na aabot ang Army kahit manalo pa sa magaganap na tagisan sa Linggo sa pagtatapos ng quarterfinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Ang Final Four ay isang best-of-three series at ang magtatapat ay ang Cagayan versus Philippine Air Force at Smart kontra sa Army.
Nakitaan naman ng bangis ang Meralco para kunin ang 25-19, 25-15, 16-25, 25-23, panalo sa Phi-lippine National Police (PNP) sa labanan ng mga talsik nang koponan sa ligang may ayuda din ng Accel at Mikasa.
Si Maureen Ouano ay mayroong 10 kills, 5 blocks at 2 aces tungo sa 17 puntos para pamunuan ang Po-wer Spikers na umakyat sa 4-7 baraha at itinulak ang PNP sa 2-9 karta.
- Latest