CEU kampeon sa NAASCU
MANILA, Philippines - Naisakatuparan ng Centro Escolar University na makamit ang kauna-unahang NAASCU men’s basketball title nang manaig sa dating kampeong St. Clare College of Caloocan 64-58 sa do-or-die Game Three kahapon sa Makati Coliseum.
Nagtulung-tulong sina Mon Alvin Abundo, John Paul Magbitang at Aaron Jeruta matapos huling makadikit ang Saints sa 58-60 para makumpleto ang mabungang taon para sa Scorpions.
Winalis ng koponang hawak ni Edgar Macaraya ang 11-game elimination para dumiretso sa Finals.
Natalo sila sa unang tagisan, 68-70 pero naitabla ang best-of-three series sa 67-59 panalo sa Game Two.
May 14 puntos si Joseph Sedurifa para pangunahan ang CEU. Siya rin ang kinilala bilang Most Valua-ble Player sa seniors division.
Ang panalo ng Scorpions ang kumumpleto sa dominasyon sa basketball dahil naunang kumuha ng 75-58 panalo ang CEU sa Our Lady of Fatima University para pagharian ang juniors division.
Nauna nang nagkampeon sa Lady Scorpions sa women’s division para walisin ang tatlong kategor-yang pinaglabanan sa NAASCU basketball.
- Latest