Kondisyon ang Up and Away
MANILA, Philippines - Ibang kondisyon ang ipinakita ng kabayong Up And Away para makapanilat sa idinaos na 3rd leg ng 2013 Philracom Juvenile Fillies Stakes kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sinabayan agad ng kabayong sakay ni Mark Alvarez ang pag-alagwa ng Priceless Joy na hawak ni Jonathan Hernandez bago humataw pagpasok sa hu-ling 400-metro ng 1,400-m race tungo sa dominanteng pagtatapos.
Anak ng premyadong kabayo na Strong Material, ang dalawang taon na Up And Away na malayong third choice matapos bumenta lamang ng P29,151.00 sa P430,935.00 sa Daily Double, ay naorasan ng 1:29 sa kuwartos na 12’, 24, 25, 27’.
Halagang P600,000.00 ang panalong nakamit ng handlers ng Up And Away na natabunan din ang panga-lawang puwestong pagtatapos sa 2YO Special Maiden Race noong Hulyo na napagwagian ng Young Turk.
Ang outstanding favorite na Kukurukuku Paloma na hawak ni Val Dilema at nanalo sa second leg at sa 2YO Special Handicap race ay hindi nakapagbigay ng magandang labanan nang malagay lamang sa pang-apat na puwesto sa alisan.
Walang init itong tumakbo at sa huling kurbada ay tila isang nauupos na kandila na naubusan ng lakas. Bunga nito, ang hinangaang kabayo ay tumapos bilang bugaw sa anim na naglaban.
Halos apat na dipa ang layo matapos tumawid ng Up And Away ang dehadong Roman Charm ni Rodeo Fernandez para kunin ang P225,000.00.
Pumangatlo ang Priceless Joy para sa P125,000.00 gantimpala habang ang Pure Enjoyment na JA Guce ang pumang-apat para sa P50,000.00 prem-yo.
Kinapos naman ang kabayong Move On sa mga humakot ng gantimpala nang malagay ang kabayong sakay ni Fernando Raquel Jr. sa ikalimang puwesto sa datingan.
- Latest