Tabla uli sa no. 1 ang SBC at Letran: Knights nalo sa Arellano
MANILA, Philippines - Ipinagdiwang ni John Jovit Tambeling ang pagbabalik mula sa one-game suspension nang maaga siyang nagtrabaho para kunin ng Letran ang 70-59 demolisyon sa Arellano sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Ibinagsak ni Tambeling ang 10 sa kanyang nangungunang 15 puntos sa unang yugto para bigyan ang Knights ng 23-14 bentahe at mula rito ay hindi na nilingon pa ang Chiefs para saluhan ang San Beda sa unang puwesto sa 10-2 baraha.
May 5-of-7 shooting ang 20-anyos na rookie mula sa Misamis Oriental para ma-kabawi matapos masuspindi sa laban kontra sa Lyceum dahil sa unsportmanlike foul na tawag sa laro kontra sa Mapua.
Tig-12 puntos ang kinamada nina Mark Cruz at Raymond Almazan, ang huli ay mayroon pang 12 rebounds, habang si Rey Nambatac ay naghatid pa ng 10 para sa balanseng pag-atake ng tropa ni coach Caloy Garcia na lumayo hanggang 26 puntos, 51-25.
Kumana ng 17 puntos at limang assists si John Pinto para sa Chiefs na lumasap ng ikasiyam na pagkatalo matapos ang 13 laro.
Kailangan ngayon ng tropa ni coach Koy Banal na maipanalo ang nala-labing limang laro para magkaroon pa ng tsansa na umabante sa Final Four.
Samantala, nanalo ang Letran Squires sa Arellano Braves, 88-65, para itabla sa 6-6 ang kanilang baraha at manatiling nasa ikaanim na puwesto.
Hindi nagpaawat ang Jose Rizal Light Bombers na dinaig ang Perpetual Altalettes, 78-71 at manatiling nasa ikalimang puwesto sa 7-5 baraha.
Ang Braves ay bumaba sa 3-10 baraha habang 5-7 sa Altalettes.
- Latest