Pacquiao, PBA players nakaranas ng hirap dahil sa baha
MANILA, Philippines - Hindi lamang ang mga ordinaryong mga Pinoy ang naapektuhan ng malakas na buhos ng ulan na nagdulot ng mabigat na trapik sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila noong Martes ng gabi.
Kabilang dito si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao at ilang players ng San Mig Coffee Mixers.
Dahil sa sobrang trapik at biglaang pagbaha sa mga kalsada bunga ng malakas na buhos ng ulan ay napilitan si Pacquiao na sumakay ng Metro Rail Transit (MRT) para makadalo sa isang Christian gathering sa Dolphy Theater sa ABS-CBN Compound.
Naranasan ng world eight-division champion ang agawan at siksikan na dinaranas ng mga Filipino commuters sa pagsakay sa MRT.
Para makarating sa nasabing okasyon ay sumakay ang grupo ni Pacquiao sa Ayala Station at bumaba sa Kamuning Station at naglakad patungo sa ABS-CBN.
“Sobrang traffic, so naglakad kaming puntang MRT,†wika ng 34-anyos na Sarangani Congressman na inalalayan ng kanyang anim na bodyguards sa pagsakay sa MRT.
Hindi nakakuha ng taxi si Pacquiao sa kanyang pagbaba sa Kamuning Station kaya napilitan siyang maglakad kasama ang kanyang mga bodyguards sa Sgt. Esguerra Avenue.
“Bumaba kami sa Kamuning, tapos naglakad kami papunta dito,†dagdag pa nito.
Halos 10 minuto naman bago ang laro ay saka pa lamang dumating sa Smart Araneta Coliseum sina import Marqus Blakely, Yancy De Ocampo at Mark Barroca dahil sa mabigat na trapik at lubog na mga kalsada.
Sa kabila nito, tinalo pa rin ng Mixers ang Alaska Aces, 95-82 sa 2013 PBA Governor’s Cup tampok ang 22 points, 28 rebounds at 8 assists ni Blakely.
Nagdagdag naman sina Barroca at De Ocampo ng 15 at 2 markers, ayon sa pagkakasunod.
“Marqus was never late for a basketball game. Mark (Barroca) took the LRT. Yancy came in with his pants rolled up because of the flood,†sabi ni coach Tim Cone.
Sinundo ng driver ng San Mig Coffee si Blakely sa White Plains sakay ng motorsiklo, habang sumakay si Barroca sa Light Rail Transit (LRT) at dumating naman si De Ocampo sa Big Dome na nakalilis ang pantalon dahil sa baha.
- Latest