Judiciary awtomatikong pasok sa semis ng UNTV Cup
MANILA, Philippines - Dinurog ng Judiciary ang Metro Manila Development Authority (MMDA), 115-61, para makuha ang ikalawa at huling awtomatikong puwesto sa semifinals ng 1st UNTV Cup noong Linggo sa Fort Bonifacio Marine Corps Jurado Hall gym sa Taguig City.
Nagbuhos ng 25 puntos si Celedon Camaso para pamunuan ang anim na manlalaro ng nanalong koponan para wakasan ang kampanya sa eliminasyon sa 4-2 baraha.
Si Roland Pascual ay tumapos taglay ang 16 puntos para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na ginutay-gutay ang PhilHealth, 96-74, sa isa pang laro.
Sa pangyayari ay magkasalo pa rin ang Judiciary at AFP sa ikalawang puwesto ngunit ang una ang nakakuha ng number two seeding at mahalagang insentibo sa bisa ng 100-97 panalo sa larong ginawa noong Agosto 18.
Bigo man sa pangarap na Final Four spot, ang AFP ay magtataglay ng mahalagang twice-to-beat advantage sa crossover quarterfinals.
Ang Philippine National Police na selyado na ang unang puwesto at ang semis slot, ay gumulong sa kanilang ikalimang diretsong pagwawagi sa 135-51 paggiba sa talsik nang Department of Justice.
Ang MMDA, PhilHealth at Congress-LGU na pasok na sa quarters sa magkakatulad na 2-3 baraha ay pinaglalabanan pa ang mahalagang number four spot na magkakaroon din ng twice-to-beat advantage sa susunod na round.
Madedetermina ang pinal na puwestuhan ng tatlong teams na ito sa pagtatapos ng elims sa darating na Linggo.
- Latest