DLSU may pag-asa sa top-2; UE laglag na sa Final 4
MANILA, Philippines - Nakigulo pa ang La Salle sa karera para sa top-two spots sa 76th UAAP men’s basketball nang kunin ang 57-55 panalo sa National University kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Jeron Teng ay nagbagsak ng walo sa kanyang 21 puntos sa huling yugto at ang pinakamahalagang buslo nito ay ang kanyang follow-up shot mula sa sa-riling mintis para kunin ang 56-55 kalamangan may 44.8 segundo sa orasan.
Nagkaroon ng tsansa ang Bulldogs na mabawi ang kalamangan pero hindi sila naka-execute ng magandang play sa huling dalawang opensa para ibigay sa Archers ang ikaa-nim na sunod na panalo at makasalo ang NU at pahingang FEU sa 9-4 baraha.
“The experience we had in the first round help us to be mentally tougher in the second round,†wika ni La Salle coach Juno Sauler na nakapasok na rin sa semifinals sa nakuhang tagumpay.
Si Jason Perkins ay naghatid pa ng 18 puntos bukod sa 10 rebounds at siya ay umako ng 12 sa huling 14 puntos ng koponan sa ikatlong yugto para manatiling nakadikit ang Archers sa 42-45.
Nakakapanlumo ang kabiguang ito para sa tropa ni coach Eric Altamirano dahil kung nailusot ang ikapitong sunod na panalo ay nakamit na rin nila ang mahalagang twice-to-beat incentive na ibibigay sa mangungunang dalawang koponan.
Si Bobby Ray Parks Jr. ay mayroong 19 puntos at ang lay-up niya ang naglayo sa koponan sa siyam na puntos, 52-43, sa huling 5:01 ng labanan.
Pero nangapa siya sa kanyang porma sa endgame nang sumablay ang dalawang buslo, tampok ang last shot na nauwi sa airball.
Pinag-init naman ng 5-time defending champion Ateneo ang paghahabol ng puwesto sa semifinals nang patalsikin na ang UE sa 77-72 panalo sa unang laro.
Si Kiefer Ravena ay mayroong 22 puntos at nakipagtulungan siya kay Chris Newsome nang bumangon ang Eagles mula sa double-digits deficit sa first half at saluhan ang UST sa mahalagang puwesto sa 7-5 baraha.
- Latest