Bumalik ang tikas ng Windy Wind
MANILA, Philippines - Bumalik ang dating magandang takbo ng kabayong Windy Wind para lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanaig noong Biyernes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ikalawang panalo sa apat na takbo ito ng kaba-yong hawak ni Ric Hipolito at ang tinalo ng tambalan ay ang On Your Knees na hawak ni Jordan Cordova.
Ang Unpredictable na sakay ni Mark Alvarez at isa sa napaboran ay tumapos lang sa ikatlong puwesto upang mabigo na tularan ang kinalagyan noong Agosto 17 na tumapos sa pangalawang puwesto.
Naghatid ng P26.00 ang win ng Windy Wind at ang 3-4 forecast ay may P248.50 dibidendo.
Samantala, magwawa-kas ang isang linggong pista ngayon sa pakarerang ng Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Tampok na karera sa maghapon ay ang 2nd leg ng Philracom Juvenile Fillies at Colts Stakes Race na sinahugan ng tig-P500,000.00 gantimpala.
Sampung pinagsamang kabayo ang nagpa-tala sa stakes races na ito at pangungunahan ang mga kalahok ng Matang Tubig at Marinx na puntirya ang ikalawang sunod na titulo sa karerang bukas para sa mga edad dalawang taong gulang na kabayo.
Hahamon sa Matang Tubig ang Young Turk, Muchos Gracias at River Mist. Ang Young Turk ang pumangalawa sa unang leg na pinaglabanan sa maig-sing 1,000-metro at inaasahang mas makakapagbigay ng mas magandang laban dahil sa mas mahabang 1,200-metro ang tagisan.
Ang iba pang kasali sa Fillies ay ang Donttouchthewine, Kukurukuku Paloma, Move On, Priceless Joy at Up And Away.
Ang mga nabanggit na kabayo ay mga bagito dahil hindi sila nakasali sa first leg pero tiyak na inihanda sila nang husto para sorpresahin ang Marinx.
Halagang P300,000.00 ang mapapasakamay ng mananalo sa dalawang stakes races na ito habang ang kukumpleto sa sunod na tatlong puwesto ay mag-uuwi ng P112,500.00, P62,500.00 at P25,000.00 premyo.
- Latest