J. Guce lumayo uli kay P. Dilema
MANILA, Philippines - Muling sumigla ang pagdiskarte ni jockey Jessie Guce para layuan uli si Pat Dilema sa tagisan sa pagiging winningest jockey matapos ang buwan ng Hulyo.
Kumubra ng 24 panalo si Guce para magkaroon na ng 140 unang puwestong pagtatapos sa 787 takbo. Nakapaghatid pa ng 141 segundo, 110 tersero at 87 kuwarto puwestong pagtatapos ang aktibong hinete na makailang ulit na rin na hinirang bilang Jockey of the Year para maging kauna-unahang hinete na pumasok sa tatlong milyong kita sa P3,061,537.11 earnings.
Nananatili pa rin nasa ikalawang puwesto si Dilema na mayroon ng 117 panalo, 91 segundo, 88 tersero at 76 kuwarto puwestong pagtatapos sa 568 takbo para sa P2,402,454.14 kita.
Sa buwan ng Hunyo ay rumeremate na si Dilema kay Guce at nakadikit ng halos P400,000.00 sa kanyang P2,114,073.29 kumpara sa P2,530,306.30 kita ni Guce.
Mahigit na P300,000.00 naman ang layo pa ni Dilema sa pumapangatlong si Mark Alvarez habang sina Jonathan Hernandez at John Alvin Guce ang nananatiling nasa ikaapat at limang puwesto sa talaang inilabas ng Philippine Racing Commission (Philracom) para sa buwan ng Hulyo.
May anim na panalo lamang si Alvarez sa nagdaang buwan ngunit 15 beses siyang pumangalawa para trangkuhan ang P2,057,030.46 na kinita matapos ang 563 na takbo.
Si Hernandez ay nanalo ng 14 sakay upang isulong ang karta sa 71 panalo, 40 segundo, 48 tersero at 42 kuwarto puwestong pagtatapos sa 296 takbo at makakubra na ng P2,000,177.84 premyo habang si Alvin Guce ay nakatabla ng panalo kay Hernandez sa 71 ngunit mas maliliit ang premyong kanyang napanalunan para malagay sa ikalimang puwesto sa P1,718,367.56 sa 443 takbo.
Nakuha ni Jeff Zarate ang ikaanim na puwesto kay jockey Leonardo Cuardra Jr. at ang class A jockey na si Zarate na kumarera lamang ng 230 pagkakataon ay kumabit na ng P1,392,437.03 sa 60 panalo, 52 segundo, 33 tersero at 24 kuwarto puwesto.
Si Cuadra na nalagay sa ikaapat na puwesto noong nakaraang buwan ay napag-iwanan ni Zarate ng halos limang libong piso sa P1,387,457.03 kinita sa 381 takbo (68-67-60-53) habang sina Fernando Raquel Jr. (66-56-51-34), Rodeo Fernandez (62-46-62-47) at Jordan Cordova (75-37-24-41) ang kukumpleto sa unang sampung puwesto sa nakuhang P1,365,630.16, P1,328,353.33 at P1,245,426.05 napanalunan, ayon sa pagkakasunod.
May 12 hinete na ang naging milyonaryo sa taong kasalukuyan at pumasok na sa listahan sina John Paul Alvin Guce at Jeff Bacaycay.
Si Guce ay may 330 takbo at nanalo na ng P1,048,864.94 premyo mula sa 41-50-42-49 karta habang si Bacaycay ay kumabig na ng P1,039,816.92 premyo sa kabuuang 354 takbo at 39-48-48-50 una hanggang pang-apat na puwes-tong pagtatapos.
- Latest