9-races nakalinya sa Metro Turf bukas
MANILA, Philippines - Siyam na karera ang matutunghayan sa Metro Turf Club na siyang magtataguyod ng karera bukas ng gabi sa Malvar, Batangas.
Added prize na P10,000.00 mula sa Philippine Racing Commission (Philracom) ang agad na bubungad sa race one na isang 2YO Maiden race at itatakbo sa 1,200-metro distansya.
Ang mga nagpatala ay ang Gideon (JB Guce), Move On (FM Raquel Jr), Angel of Mercy (EM Raquel), Muchos Garcias (RO Niu) at Don’ttouchthewine (JA Guce).
Ang Move On ang maaaring paboran matapos mapalaban sa PCSO Sweepstakes Race noong nakaraang buwan at tumapos ito sa pang-apat na puwesto.
May dalawa ring 3YO races ang masisilayan bukod pa sa labanan ng mga imported maiden horses para pasiglahin ang gabi ng pangangarera.
Ang Vina Anika ni Raquel ay magbabalak na kunin ang ikalawang panalo sa buwan ng Agosto sa pagtakbo sa 3YO Handicap Race 1 na itinalaga bilang race three.
Hahamunin sa nasabing karera ng Vina Anika na binigyan ng 56 kilos handicap weight ng Wise Decision, Masmasaya Sa Pinas, Lucky Dream, Don’tfoolyourwife, The Fountainhead at Fernando’s Entry.
Si Jordan Cordova ang hinete ng Fernando’s Entry na nagtagumpay noong Hulyo 30 sa Santa Ana Park.
Ang mga kabayong Faithfully, Real Steel, Ballet Flats, Magic In The Air, Cataleya, Persian Empire at coupled entry Hora Mismo at magka-stable na Honeywersmypants at Onemoretimesweety ang mga tatakbo sa 3YO Handicap Race 2 na paglalabanan sa race 8 sa 1,000-metro distansya.
Gagawin naman sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite ang aksyon sa Sabado at tampok na karera rito ay ang 2013 Philracom Lakambini Stakes Race na sasalihan ng siyam na kabayo.
Sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite naman magtatapos ang pitong araw na karera sa Linggo at hitik sa aksyon ito dahil sa selebrasyon ng 5th Mayor Ramon Bagatsing Cup na katatampukan ng dalawang malalaking stakes race na iniaalay sa da-ting Manila Mayor bukod pa sa mga stakes races na itataguyod ng Philracom at Philippine Charity Sweepstakes Office PCSO.
- Latest