2-sunod na panalo sa St. Benilde
MANILA, Philippines - Napanatili ng host College of St. Benilde ang magandang porma na nakita bago magpahinga ang 89th NCAA men’s basketball nang kunin ang ikalawang sunod na panalo sa Arellano, 69-62, kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Sina Mark Romero, Jose Saavedra at Jonathan Grey ang mga kumamada sa huling yugto upang matablahan ang Chiefs at pahingang Emilio Aguinaldo College at Lyceum sa ikaanim hanggang ikasiyam na puwesto sa team standings.
Abante lamang ng dalawa ang tropa ni coach Gabby Velasco, 57-55, nang bumanat ng dalawang free throw si Saavedra sa foul ni Prince Caperal bago sinundan ng tres mula kay Romero at pasiklabin ang 7-0 bomba tungo sa 64-55 bentahe sa huling 2:33 sa orasan.
May 18 puntos si Romero bukod sa limang rebounds habang sina Saavedra, Grey at Paolo Taha ay naghatid ng tig-12 puntos para sa Blazers na nadugtungan ang 75-69 tagumpay sa Lyceum noong Hulyo 25.
Ikatlong sunod na pagkatalo ang nalasap ng bataan ni coach Koy Banal para masayang ang 2-2 simula.
Naunang nanalo ang juniors team ng host school na La Salle Greenhills sa Arellano Braves, 79-55, para umabante sa 5-2 baraha habang ang Braves ay lumasap ng ikaanim na pagkatalo sa pitong laban.
Sa labanan ng dalawang walang talong koponan, nakitaan ng husay sa huling yugto ang nagdedepensang kampeon San Beda Red Cubs para angkinin ang 87-75 panalo sa San Sebastian Staglets.
Si Rev Diputado ay may 18 puntos para isulong ang malinis na karta ng Cubs sa 8-0 kasabay ng pagpapalasap ng unang talo sa Staglets matapos ang 7-sunod na tagumpay.
- Latest