11-kabayo maglalaban sa Lakambini Stakes
MANILA, Philippines - May 11 kabayo ang magtutuos para sa 2013 Philracom Lakambini Stakes Race sa Agosto 17 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang karera ay para sa mga fillies na edad tatlong taong gulang at magkakasukatan sila sa 1,800-metro distansya.
Nagpatala sa tampok na karera sa Sabado ay ang Amberdini, Appointment, Blush Of Victory, Five Star, Hot Momma, Keep The Pledge, Laguna, Leonor, Mrs. Teapot, Nurture Nature at Wild Ginseng.
Sa mga nagpatalang ito, ang Nurture Nature ay ga-ling sa magandang pagtakbo matapos manalo noong Agosto 8 sa race track na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Ang lahat ng mga kalahok ay bibigyan ng iisang handicap weight na 52 kilos kaya’t sa diskarte ng mga hineteng sakay magkakatalo ang mga ito.
Ang karera ay handog ng Philippine Racing Commission (Philracom) na sinahugan ng P1.2 milyong gantimpala at ang papalaring kabayo ay magpapasok ng P720,000.00 sa kanyang connections.
Halagang P270,000.00 ang maiuuwi ng papa-ngalawang kabayo habang halagang P150,000.00 ang papangatlo at P60,000.00 ang gantimpala ng papang-apat sa datingan.
Tututukan ang weekend racing sa linggong ito dahil ang araw ng Linggo ay katatampukan naman ng paglarga ng 5th Mayor Ramon Bagatsing Cup sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Dalawang Bagatsing Cup na sinahugan ng P700,000.00 at P500,000.00 premyo ang ilalarga.
- Latest