Ian's Bet nakabawi
MANILA, Philippines - Nakabawi ang Ian’s Bet sa di magandang ipinakita sa huling takbo nang manalo sa sinalihang handicap race noong Sabado sa bakuran ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Jonathan Hernandez ang pinaggabay sa kabayong dating nire-rendahan ni Leonardo Cuadra Jr. at napangatawanan ng tambalan ang pagiging outstanding favorite sa Handicap race A na inilagay sa 1,300-metro distansya.
Walang nakasabay sa malakas na pag-alagwa ng Ian’s Bet mula sa pagbubukas ng aparato tungo sa banderang tapos na panalo.
Ang panalong ito ay nagbigay daan sa kaba-yong Ian’s Bet mula sa pang-anim na pagtatapos noong Hulyo14.
Ang Captivate ang nagsikap na lutsahin ang nagwawala sa unahan na Ian’s Bet pero bumigay ito sa pagpasok ng huling kurbada.
Pumalit ang Heyday na sakay ni Christian Garganta pero mainit pa ang Ian’s Bet para bumulusok sa rekta at manalo ng halos dalawang dipa sa meta.
Balik-taya na P5.00 ang ibinigay sa win habang ang 1-2 na liyamadong forecast ay may P11.50 na dibidendo.
Nagbunga rin ang pagbabalik ni jockey Jessie Guce sa ibabaw ng kaba-yong Onemoresweetkiss matapos dominahin ang mas mataas na class division 8-9 na inilagay din sa 1,300-metro distansya.
Wire-to-wire din ang panalong nakuha ng Onemoresweetkiss at hindi nito pinabayaan ang ha-mon ng Prime Rate ni Ronald Niu Jr. na naghabol lamang nang naghabol sa kabuuan ng karera.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Onemoresweetkiss at ang huling dalawang sunod na tagumpay ay naibigay ni Niu.
May P27.50 dibidendo sa win habang ang second place na Prime Rate na pinatawan ng pinakamabigat na handicap weight na 57 kilos ay nagresulta sa P89.00 dibidendo sa 2-7 forecast.
Dalawang panalo ang nakuha ni Guce sa bakuran ng Manila Jockey Club matapos maipanalo pa ang Tail Wind sa class division 4 race.
Nasa P15.50 pa ang ibinigay sa win habang ang 8-1 forecast ay may P177.00 dibidendo na ipi-namahagi.
- Latest