Team Manila palaban sa Big League World series
MANILA, Philippines - Lalaban sa titulo ang Team Manila sa paglahok nila sa Big League Softball World Series sa Sussex County, Delaware, USA sa Agosto 4 hanggang 10.
Ito ang sinabi ni coach Ana Santiago na sinamahan nina Baby Jane Raro, Angelie Ursabia at Lorna Adorable na dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Nagdedepensang kam-peon ang Team Manila sa kompetisyon at kahit tatlo lamang ang magbabalik mula sa nagkampeong koponan, hindi naman padedehado ang tropa ni Santiago.
“Ang problema ko lamang ay kung paano nila hahawakan ang international pressure dahil karamihan sa kanila ay mga baguhan. Pero bukod dito ay mas malakas ang team na ito kumpara noong nakaraang taon,†wika ni Santiago.
Tinuran niya na mas mabibilis ang kinuha niyang manlalaro habang pito ang kanyang sluggers bukod sa pagkakaroon ng anim na mahuhusay na pitchers.
Wala rin naging problema ang koponan kung ang pangangalap ng pondo ang pag-uusapan dahil tumulong sina Mayor Joseph Estrada at Vice Ma-yor Isko Moreno bukod pa sa suporta ng ICTSI at Philippine Sports Commission (PSC).
Nakuha ng Team Manila ang karapatang katawanin ang Asia Pacific sa torneo matapos walisin ang Indonesia at Guam sa Asia-Pacific and Middle East Tournament sa Clark Field sa Pampanga.
Ang delegasyon ay aalis ngayon para magkaroon ng ilang araw na pamamahinga bago sumalang sa aksyon.
- Latest