US Open One Pocket Championships 2013 Bagong titulo para kay Orcollo
MANILA, Philippines - Bumalik na naman ang dating porma ni Dennis ‘Robocop’ Orcollo matapos mag-kampeon sa US Open One Pocket Championships 2013 sa Rio All-Suite Hotel and Casino sa Las Vegas nitong Linggo.
Tinalo ng top player ng Bugsy International Promotions Orcollo si Derby City One Pocket Champion Corey Deuel ng United States, 5-3, sa finals para sa titulo.
Nakapasok si Orcollo sa finals matapos blangkuhin si Deuel, 4-0 sa Hot Seat finals.
Hindi nagtagal si Deuel sa one-loss side nang kanyang ipalasap kay Carlo ‘The Black Tiger’ Biado ang ikalawang talo sa tournament sa 3-2 score upang maipuwersa ng Ohioan ang finals rematch showdown kontra kay Orcollo.
Nauna rito, tinalo ni Orcollo sina Michael Reddick, 4-1, Danny Smith, 4-2, L. C. Carter 4-0, Larry Nevel, 4-2, at Chris Bartram, 4-2 ng USA para makaharap si Deuel sa Hot Seat final.
Ang dating mangingisda mula sa Bislig, Surigao del Sur Orcollo ay nagsubi ng top prize na US$7,500, habang nagkasya si Deuel sa US$4,800 bilang second place. May konsolasyon naman si Biado na US$3,300 habang ang iba pang Pinoy na sina Francisco ‘Django’ Bustamante, Warren ‘Warrior’ Kiamco, Jose ‘Amang’ Parica at Santos ‘The Saint’ Sambajon ay may mga natanggap ding pabuya matapos pumuwesto.
- Latest