PCSO Special Maiden Race lalarga uli sa Metro Turf
MANILA, Philippines - Muling lalarga ang PCSO Special Maiden Race ngayong hapon sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Walong kabayo na edad dalawang taong gulang ang maglalaban-laban sa 1,200-metro distansya sa karerang handog ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nagsahog ng P1 milyong gantimpala.
Mangunguna sa mga kasali ang kabayong Young Turk na sasakyan ni Jonathan Hernandez at siyang nanalo sa Sweepstakes Trial noong nakaraang buwan sa nasabing pista nang talunin ang Mona’s Art na sasali rin sa karerang ito at gagabayan ni jockey Val Dilema.
Ang iba pang tatakbo at mag-aasam ng P600,000.00 unang gantimpala ay ang Chancery Lane (Reynaldo Niu Jr.), Tumauni (Leonardo Cuadra Jr.), Move On (Fernando Raquel Jr.), Up And Away (Mark Alvarez), Willingandable (Antonio Alcasid Jr) at Asikaso (John Alvin Guce).
Pumangatlo sa Trial race ang Up And Away bago sumunod ang Chancery Lane, Move On, Willingandable at Tumaini.
Pero ang pagkakaroon ng magandang premyo sa mananalo ang magtutulak sa ibang kalahok na magpursigi.
Ang Young Turk at Asikaso na mga colts ay magtataglay ng handicap weight na 54 kilos habang ang iba ay may 52 kilos timbang bilang mga fillies.
Ang mananalo sa karerang ito ay inaasahang sasali sa serye ng Philracom Juvenile Fillies and Colts Championships. May pabuyang P225,000.00 ang papangalawa habang P125,000.00 at P50,000.00 ang mapupunta sa mga kabayong kukumpleto sa apat na darating sa meta.
Si PCSO General Manager Ferdinand Rojas II ang siyang inimbitahan para samahan ang mga opisyales ng Metro Manila Turf Club sa awarding ceremony.
- Latest