Some Like It Hot nakapanilat
MANILA, Philippines - Mainit ang dating ng kabayong Some Like It Hot para makapanilat ng mga pinaborang kabayo sa idinaos na pista noong Linggo sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si JD Flores ang hinete ng nanalong kabayo na sumali sa NHG Handicap race nine na pinaglaba-nan sa 1,400-metro at nakabangon ang kabayo sa di magandang naipakita sa mga huling takbo.
Ang Tiger Run ni AR Villegas ang palaban mula sa simula at siyang nagdikta sa unahan habang ang Miss Malapia at Top Meat ang nakasunod at nasa ikaapat na puwesto muna ang Some Like It Hot.
Unti-unting humabol ang kabayo ni Flores at sa rekta ay nasa pangalawang puwesto na pero napag-iiwanan ng halos dalawang dipa ng Tiger Run.
Ngunit pagod na ang kabayo ni Villegas habang kumamada sa labas ang Some Like It Hot para sa panalo.
Pinakadehado na nanalo sa gabi ang Some Like It Hot sa ibinigay na P140.00 sa win habang ang 2-9 forecast ay may P356.50 dibidendo.
Umangat din mula sa pangalawang puwestong pagtatapos ang Chona’s Recipe habang kinuha ng kabayong Play With Fire ang ikalawang dikit na panalo sa buwan ng Hulyo.
Maganda ang kondisyon ng Chona’s Recipe sa pagdadala ni RA Alicante dahil mula sa pagbukas ng aparato hanggang sa pagtawid ng meta ay mag-isa niyang binaybay ang pista.
Sa ikalawang puwesto nagkaroon ng labanan at ang Material Ruler ay nakaremate para agawan ng puwesto ang Dakara.
Pumalo sa P20.00 ang win habang nadehado pa ang 1-6 forecast sa P80.50 dibidendo.
Wala ring nakatapat sa tulin ng Play With Fire tungo sa wire-to-wire na panalo sa class division 2 karera sa 1,000-metro distansya.
Balik-taya na P5.00 ang dibidendo sa forecast habang ang 3-1 forecast ay may P22.50 dibidendo.
Ang Providence ang isa ring outstanding favorite na nagwagi sa araw na ito para makabalikwas mula sa pangalawang pagtatapos noong Hulyo 4 sa San La-zaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Hindi umubra ang hamon ng May Bukas Pa at ang 1-3 forecast ay may P29.50 dibidendo matapos ang P5.50 na ibinigay sa win.
- Latest