Tinupad ni Sabillo ang kanyang pangako
MANILA, Philippines - Tinupad ni Merlito Sabillo ang kanyang pahayag na pababagsakin niya si Colombian challenger Jorle Estrada.
Isinentro ang kanyang atake sa bodega, pinasuko ng Filipino world minimumweight champion si Estrada sa ninth round via Technical Knockout (TKO) para sa una niyang pagtatanggol sa hawak na World Boxing Organization crown noong Sabado ng gabi sa Solaire Resort Hotel and Casino.
Ang nasabing titulo ay kinuha ni Sabillo makaraang pabagsakin si Colombian Luis Dela Rosa sa eight round noong Marso.
Isang kaliwa ni Sabillo (22-0-0, 12 KOs) ang nakalusot sa bodega ni Estrada (16-7-0, 5 KOs) na nagresulta sa kanyang pagyuko at paghiga sa sahig.
Iniluwa rin ng 24- anyos na Colombian challenger ang kanyang mouthpiece dahil sa hirap niyang paghinga matapos masikmuraan ni Sabillo.
Ganap nang itinigil ni referee Raul Cadiz, Jr. ang naturang laban sa hu-ling 1:09 ng ninth round.
Sinabi naman ni Michael Aldeguer ng ALA Boxing Promotions na muling magdedepensa ng kanyang WBO title si Sabillo sa Oktubre sa isang boxing card sa Dubai.
Sa undercard, pinatumba ni ‘King’ Arthur Villanueva (22-0-0, 12 KOs) si Mexican Arturo Badillo (21-5-0, 19 KOs) sa 2:03 sa fourth round para angkinin ang bakanteng WBO Asia Pacific super flyweight title.
Pinabagsak naman ni bantamweight AJ ‘Bazooka’ Banal (29-2-1, 21 KOs) si Mexican Abraham ‘Cholo’ Gomez (18-8-1, 9 KOs) sa se-cond round at pinatulog ni super bantamweight ‘Prince’ Albert Pagara (15-0-0, 11 KOs) si Khunkhiri Wor Wisaruth (9-5-1, 5 KOs) sa 2:29 sa second round sa kanilang mga non-title bouts.
- Latest