4 teams nais bumangon
MANILA, Philippines - Paiinitin ng apat na koponan na mayroong losing records ang kanilang kampanya sa pagbabalik-laro ng 89th NCAA men’s basketball ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang Jose Rizal University ay magbabaka-sakaling bumangon matapos ang masakit na overtime na pagkatalo sa huling laro sa pagharap sa host St. Benilde sa ganap na ika-4 ng hapon.
Susundan ito ng tagisan ng Arellano at Mapua dakong alas-6 ng gabi at mag-uunahan ang Chiefs at Cardinals sa pagsungkit ng ikalawang panalo matapos ang apat na laro.
Ang tropa ni coach Koy Banal na siyang sinabing palaban sa titulo kasunod ng San Beda, ay on-and-off sa court upang magkaroon lamang ng 1-2 karta.
Nananalig si Banal na mailalabas na ng kanyang bataan ang tunay na kalidad ng kanilang laro lalo pa’t ang tropa ni coach Fortunato ‘Atoy’ Co ay handa sa posibleng upset.
Talo ang Cardinals sa Lyceum, 59-74, pero hindi maisasantabi ang kakayahang makipagsabayan ng Mapua lalo na kung bibigyan ng pagkakataon dahil sa palabang pag-uugali na itinuturo ni Co.
Sina Joseph Eriobu at Kenneth Ig-halo ang kakamada uli para makabawi matapos malimitahan lamang sa single-digits sa laro laban sa Pirates.
Lumasap ng 66-69 overtime na pagkatalo ang bataan ni coach Vergel Meneses sa Letran para manatiling walang talo ang Knights matapos ang tatlong laro.
Hindi pa nakakatikim ng panalo ang bataan ni coach Gabby Velasco matapos ang dalawang laro.
- Latest