Mr. Dynamite nagpasabog
MANILA, Philippines - Eksplosibong takbo ang nasilayan sa Mr. Dynamite nang manalo sa sinalihang karera noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si John Alvin Guce ang hineteng pinagabay sa apat na taong colt na napangatawanan ang malakas na panimula sa class division 1A at pinaglabanan sa 1,400-metro.
May 12 kabayo ang naglaban at ang Mr. Dynamite na ngayon lamang ibinalik sa karera ay agad na kinuha ang liderato habang nakasunod ang Fleetwood at Golden Hue.
Ang Jet Setter’s Lim na third choice sa bentahan kasunod ng Mr. Dynamite at Fleet Wood, ay humabol at mula sa ikalimang puwesto at dumikit sa ikatlong puwesto.
Pero sa rekta ay bumulusok na ang Mr. Dynamite at iniwan ang dalawang katunggali bago sumunod ang third favorite na hawak ni Jessie Guce.
Nasa P5.50 ang ibinigay sa win ng Mr. Dynamite habang ang 1-7 forecast ay naghatid ng P40.00 dibidendo.
Hindi rin napahiya ang Hello Apo sa pagiging paborito sa Philippine Racing Festival na race three nang kunin ang tagumpay sa distansyang 1,300-metro.
Sinakyan muna ng apat na taong colt na sakay ni JE Apellido para sa horse owner na si Aristeo 'Putch' Puyat, ang pacing na dala ng Tail Wind bago kinuha ang bandera sa far turn tungo sa solong pagtawid sa meta.
Nakabuti naman ang pagitan ng Tail Wind at Gee Aye Jane dahil doon dumaan ang Quiricada Milagrosa para pumangalawa sa datingan.
Hindi naman nakalaban ang Vinegar dahil nahulog ang hinete nito na si RH Silva.
Ang kabayong anak ng Key Apo sa Hello Positano na nanalo noong Hunyo 28 sa race track na pag-aari ng Manila Jockey Club, ay naghatid ng P7.00 sa win pero dahil dehado ang Quiricada Milagrosa, ang 6-3 forecast ay mayroong P49.00 dibidendo.
Nakapanilat naman ang kabayong Hi Money nang maisantabi ang hamon ng mas dehadong Prime Race sa Philracom Handicap Race (3) na inilagay sa 1,400-metro distansya.
Si apprentice jockey RM Ubaldo ang hinete ng Hi Money na nagpahinga ng tatlong buwan.
Binulaga ang mga kalahok ni Ubaldo nang agad na ilayo ang kabayo sa pagbubukas ng aparato.
Hinabol ito ng Prime Rate ni LT Cuadra Jr. pero kondisyon ang kabayong pumangalawa sa isang barrier race noong Hunyo 13 nang lumayo uli tungo sa halos tatlong dipang agwat.
Ang limang taong colt na anak ng Mr. Sutler sa Hey Hi ay nagpamahagi ng P37.50 sa win habang mas magandang P825.00 ang dibidendo sa 1-8 forecast.
- Latest