Sabal, Agura sa Lipa Milo Marathon
MANILA, Philippines - Pinangunahan nina elite runners Ge-rald Sabal at Janette Agura ang labanan sa 21-kilometer race sa Lipa elimination leg ng 37th National MILO Marathon kahapon sa Lipa City.
Nagsumite ang 27-anyos na si Sabal, pumang-anim sa 36th MILO Marathon National Finals, ng tiyempong 1:21:06 para iwanan sina Nelson Eligiran (1:21:11) at Ronilo Moreno (1:26:04).
Ang Philippine Army runner ang naging bahagi ng koponang nagkampeon sa 2nd International Boulder Face Challenge na isang 24-hour endurance race paakyat sa tuktok ng Mt. Apo, noong nakaraang taon.
Ang magkapatid na Gerald at Elmer Sabal ang tumapos bilang ikalawa at ikatlo sa nakaraang 42K National MILO Marathon Manila eliminations race.
Ang kanilang nakatatandang kapatid na si Cresenciano ay isang three-time MILO Marathon King.
Nagtala naman ang 35-anyos na si Agura ng oras na 1:31:36 para talunin sina Cindy Lorenzo (1:35:11) at Jocelyn Eligiran (1:44:53) sa women’s side.
Sina Sabal at Agura ay parehong tumanggap ng tig-P10,000 at karapatang tumakbo sa National Finals sa Dis-yembre 8. Sa 5,973 runners na sumali, may 24 runners ang nag-qualify para sa National Finals kung saan ang mananalo ay ipapadala sa Paris Marathon.
- Latest