3 maaksiyong laro sa opening ng SuperLiga
MANILA, Philippines - Tatlong laro ang nakalatag para sa pagbubukas ng inaabangang Philippine SuperLiga sa Linggo sa Philsports Arena.
Mismong si Shanrit Wongprasert, ang Executive Vice president ng Asian Volleyball Confederation (AVC) para sa Southeast Asian Zone, ang sasaksi sa grand opening ng pinakaunang club league sa bansa na dinisenyo para sa mga volleybelles na natapos ang playing careers sa kani-kanilang mga sinalihang collegiate leagues.
Isang draw ang magdedetermina sa initial pairings bago samahan ni Wongprasert ang mga PSL officials na pamumunuan nina Ramon ‘Tats’ Suzara, ang PSL president at chairman ng AVC Development and Marketing Committee, at Philip Ella Juico, ang PSL chairman at dating chairman ng Philippine Sports Commission (PSC), para sa isang press conference ngayong ala-1:30 ng hapon sa Wack Wack Golf and Country Club.
Opisyal na inilunsad ang club league kahapon sa 7th High sa Bonifacio Global City. Itinampok sa event ang isang sports fashion show na inorganisa ng Solar Sports kasama ang mga atleta sa kanilang mga porma.
Anim na koponan ang kasali sa debut tournament ng PSL. Ang mga ito ay ang Cignal, Petron, PLDT (Philippine Long Distance Telephone), Cagayan Valley, PCSO-Bingo Milyonaryo at ang Philippine Army.
Ang Petron ay babanderahan nina dating Ateneo stars Gretchen Ho at Charo Soriano katuwang si da-ting Santo Tomas ace at National team member Ro-xanne Pimentel bilang skipper. Si Vilet Ponce-de Leon ang tatayong coach.
Ang Bingo Milyonaryo ay pangungunahan nina La Salle ace Ivy Remulla katulong sina Michelle Gumabao, Maureen Penetrante at Stephanie Mercado, anak ni dating track queen ng Asia na si Lydia De Vega-Mercado. Si DLSU mentor Ronald Dulay ang gagabay sa tropa.
Ang Cignal ay magtatampok kina Venus Bernal (UST), Michelle Datuin (DLSU) at Jennelyn Reyes (NU), habang si Sammy Acayler ang head coach.
Si Lou Ann Catigay (San Sebastian) ang gigiya sa PLDT-MyDSL kasama sina Pau Soriano (Adamson), Laurence Latigay (SSC-R) at Lislee Ann Patone (ADU), habang si Francis Vicente ang coach.
Ang Cagayan Valley ay tatampukan nina Wendy Semanda (FEU), Jheck Dionela at Royce Tubino at gagabayan ni mentor Nes Pamillar.
Ang Philippine Army-TMS Shipping ay igigiya nina dating National team veterans Mary Jane Balse (UST), Michelle at Marietta (Letran) Carolino, skipper Joanne Bunag at coach Rico de Guzman.
- Latest