Spinning Ridge, 9 pang kabayo sa ika-3 leg ng Triple Crown
MANILA, Philippines - Pinangunahan ng second leg champion Spinning Ridge ang siyam na kabayo na nominado para magtagisan sa ikatlo at huling yugto ng 2013 Philracom Triple Crown Championships sa Hulyo 13 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang iba pang nagpatala noong Martes sa tanggapan ng Philippine Racing Commission (Philracom) ay ang Hot And Spicy, Borj Kahlifa, Boss Jaden, Alta’s Finest, Big Leb, Fourth Dan, Jazz Connection at Sky Dragon.
Sa mga kabayong ito, ang Spinning Ridge, Hot And Spicy, Borj Kahlifa at Boss Jaden ang nakasali mula sa mga unang leg ng premyadong karera para sa mga kabayong edad tatlong taong gulang.
Ang huling yugto ay paglalabanan sa makapigil-hiningang 2,000-metro at magtatangka ang Spinning Ridge na sakay ni John Alvin Guce, na mapabilang sa mga double-leg winners ng Triple Crown.
May naunang 13 kabayo na ang kinapos ng isang panalo para walisin ang tatlong yugtong karera at ang mga ito ay ang Native Gift (1978), Paris Match (1982), Vixen (1984), French Affair (1986), Grand Party (1990), Family Affair (1992), Mushi Mushi (1994), Fight With Honor (1995), West Bound (2003), Empire King (2004), Ibarra (2007), Heaven Sent (2009) at Yes Pogi (2010).
Pero dahil sa mahaba ang distansya ng karera, ang ibang nagpatala ay inaasahang magiging palaban din sa pa-ngunguna ng Borj Kahlifa na naungusan lamang ng isang ulo sa second leg na ginawa sa 1,800-metro distansya sa Santa Ana Park, Naic, Cavite.
Bagong hinete ang sasakay sa kabayong pag-aari ni Hermie Esguerra dahil ang dating jockey na si JPA Guce ay napatawan ng 24-racing day suspension matapos ang takbo noong Hunyo 15 bunga ng kasong careless riding.
Isa rin sa maaaring makapanorpresa ay ang Jazz Connection na nagdomina sa Hopeful Stakes.
Ngunit ibang hinete din ang sasakay sa kabayo dahil si JPA Guce rin ang regular na hinete ng kabayo.
Tumataginting na P1.8 milyon mula sa P3 milyon na inilaan ng Philracom ang mapapasakamay ng winning horse owner matapos ang karera.
Sa Hulyo 8 naman itinakda ang final declaration para sa nasabing karera.
- Latest