Di pa rin nawawala ang tikas ng kabayong It's My Turn
MANILA, Philippines - Hindi pa rin nawawala ang tikas ng kabayong It’s My Turn nang kumuha uli ito ng panalo noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Dinala uli ng apprentice jockey na si LT Cuadra Jr., hindi nasira ang pagtitiwala ng bayang karerista sa husay ng nasabing kabayo para kunin ang panalo sa NHG Handicap Race (6) na inilagay sa 1,300-metro distansya.
Ito ang ikatlong sunod na pamamayagpag ng It’s My Turn at naisantabi ng tambalan ang hamon ng Tabelle na ginabayan ni Dominador Borbe Jr.
Dahil patok sa pitong naglaban, ang win ay naghatid ng P5.00 pero dahil third choice lamang sa bentahan ang nakalaban, nasa P25.00 pa ang ibinigay na dibidendo sa 3-5 forecast.
Nakabangon naman ang The Expert mula sa di magandang ipinakita sa huling takbo nang biguin ang hanap na panalo ng Ubolt na patok sa 3YO & Above Maiden A-B at pinaglabanan sa 1,500-metro.
Two-horse race ang nangyari sa dalawang pinaborang kalahok at hindi pinahintulutan ni John Alvin Guce na makalayo ang bahagyang pinaborang Ubolt na dala ni Mark Alvarez.
Hanggang sa huling kurbada ay binitbit pa ni Alvarez ang kalamangan pero pagpasok sa rekta ay tumulin na ang The Expert matapos gamitan ng latigo.
Wala nang nakapigil pa sa paglayo ng The Expert para sa halos limang dipang panalo sa meta.
Ito lamang ang ikalawang opisyal na takbo ng The Expert at nakabawi si Guce sa pang-sampung puwestong pagtatapos noong Hunyo 4 sa karerang ginawa sa race track na pag-aari ng Manila Jockey Club.
May P10.00 ang dibidendo sa win habang ang tambalan nila ng Ubolt na nalagay sa ikaapat na sunod na segundo puwestong pagtatapos (7-5) ay nagkahalaga ng P30.00 sa forecast.
Si Guce ang natatanging hinete na naka-dalawang panalo sa 12 karerang pinaglabanan para makasama si Cuadra na may dalawang panalo.
Unang ginabayan ni Guce ang Coal Harbour na sinungkit ang ikatlong sunod na panalo. Pangalawa lamang ang Power Factor na sakay ni Cuadra para sa ikalawang sunod na segundo puwes-tong pagtatapos.
Halagang P6.50 ang ibinigay sa win habang P20.00 ang 7-3 forecast.
Ang ikalawang kabayo na nagaba-yan ni Cuadra ay ang Caress na kanyang sinakyan sa race 12. Patok din ang Caress sa 11 tumakbo at nagbanderang-tapos ito sa 1,500-metro karera.
Halos walong dipa ang distansyang iniwan ng Caress sa katunggali habang pinalad ang Lucky Lohrke na makaremate tungo sa ikalawang puwesto.
May P9.00 dibidendo ang kinabig ng mga nanalig sa galing ng Caress habang P36.50 pa ang iginawad sa 3-1 forecast.
- Latest