Dapudong bagong IBO super flyweight champ
MANILA, Philippines - Bukod sa matagumpay na paghihiganti ay pinutu-ngan din ni Edrin ‘The Sting’ Dapudong ang kanyang sarili bilang bagong International Boxing Organization super flyweight champion.
Umiskor si Dapudong ng isang first round knockout laban kay Gideon Buthelezi para agawin sa South African ang suot nitong IBO crown kahapon sa Emperor’s Palace Resort and Casino sa Johannesburg, South Africa.
Nauna nang natalo si Dapudong (29-5-0, 17 KOs) kay Buthelezi (13-4-0, 4 KOs) mula sa isang kontro-bersyal na split decision noong Nobyembre 10, 2012 sa nasabi ring venue.
Ang 27-anyos ding tubong Barangay Pag-asa, M’lang, North Cotabato ang naging unang world boxing champion mula sa naturang probinsya.
Sa pagbukas pa lamang ng laban ay kaagad pinuntirya ni Dapudong ang bodega ng Olympian na si Buthelezi.
Nang makapasok ang kanyang suntok sa sikmura ni Buthelezi ay ibinaba ng South African ang kanyang mga kamay na siyang sinamantala ng Filipino fighter para ikonekta ang isang left hook.
Sapat na ito para tumumba si Buthelezi sa 2:29 ng first round matapos itigil ni referee Robert Byrd ang nasabing laban.
Bago makamit ang kanyang unang world boxing belt ay apat na beses munang natalo si Dapudong sa kanyang mga title bids.
Tinapos din ni Dapudong ang kamalasang inabot nina Manny Pacquiao, Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. at Brian Viloria.
- Latest