Trip to heaven mahusay sa maputik na pista
MANILA, Philippines - Naipakita ng Trip To Heaven ang husay sa pagtakbo sa maputik na pista nang kunin ang tagumpay sa Summer Racing Festival race noong Huwebes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Malayong third choice sa bentahan na dinomina ng Senorita Alessi at Hurricane Alley, humabol mula sa halos limang dipang agwat ang kabayong sakay ni jockey RO Niu Jr. para makuha ang panalo nang unang nailusot ang ulo sa meta sa apat na dumating na kabayo.
Ang Lady Galore ang nagdomina mula sa alisan hanggang sa huling 10-metro habang nasa ikaliwang puwesto na ang Senorita Alessi at Malambing nang tinuhog sila ng Trip To Heaven na nasa labas.
Ang mas dehado pang Malambing ang kumuha ng ikalawang puwesto para magkaroon ng magandang dibidendo.
Ang win ng Trip To Heaven na kinubra rin ang P6,000.00 unang gantimpala sa added prize na P10,000.00 na handog ng host Manila Jockey Club Inc. ay nagkahalaga ng P33.00 habang ang 4-1 forecast ay mayroong P255.50 dibidendo.
Isa pang nakapanggulat ay ang Northlander na nagbanderang-tapos sa Special Handicap Race 3 na inilagay sa 1,300-metrong distansya.
Maagang inilayo ni jockey Rodeo Fernandez ang sakay na kabayo sa karerang kinakitaan din ng malakas na pagdating ng nadehado ring Hayyyahayyy.
Nasa P6,000.00 din ang premyong naibulsa ng connections ng Northlander na nagbigay naman ng P28.00 sa win at P114.00 sa 2-4 forecast.
Si Fernandez ang pinalad na hinete na nakadalawang panalo nang naipanalo rin ang King Ramfire sa race four.
Ang Chevrome na pinatawan ng pinakamabigat na peso na 58-kilos ang pumangalawa at liyamado ang kumbinasyon nang nagbigay ng P9.00 sa win at P13.50 sa forecast.
- Latest