NU volleybelles may pag-asa pa sa titulo
MANILA, Philippines - Binawian ng National University ang Ateneo sa pamamagitan ng 26-24, 25-23, 25-22, tagum-pay sa Game Two ng Shakey’s V-League Season 10 First Conference Finals kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Todo-todong naglaro ang mga kamador ng Lady Bulldogs at hinigitan ang ipinakita ng Lady Eagles upang maitabla sa 1-1 ang best-of-three championship series sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Nakita ang tibay ng loob ng Lady Bulldogs sa unang dalawang set nang naisantabi ang hamon ng Lady Eagles bago tulu-yang dinomina ang ikatlong set sa malakas na panimula upang ikasa ang Game Three sa Hunyo 2 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magkakaroon din ng isang do-or-die game ang UST at Adamson para sa ikatlong puwesto sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa nang itabla ng Lady Tigresses ang serye sa 1-1 sa pamamagitan ng 24-26, 25-17, 25-20, 25-17 panalo, sa unang laro.
Gumawa ng 15 hits, kasama ang 13 kills si Myla Pablo habang bumawi si Dindin Santiago mula sa pitong hits sa Game One, sa kinamadang 12 attack points.
Ngunit hindi lamang ang dalawang ito ang gumana dahil naroroon din ang suporta nina Aiko Urdas, Jaja Santiago at Rubie de Leon na naghatid ng tig-pitong hits.
Ang magandang back-set ni De Leon para kay Urdas ang tumapos sa tangkang rally ng Lady Eagles sat third set nang bawasan ang 24-18 kalamangan tungo sa dalawang puntos.
May 17 hits si Alyssa Valdez habang 15 ang ibinigay ni Jeng Bualee ngunit wala ang suporta ni Rachel Ann Daquis na gumawa lamang ng apat na hits sa larong tumagal ng isang oras at 26 minuto.
Nagkaroon ng pagkakataon ang back-to-back defending champions na maipanalo ang laro at sa first set ay nakauna sila sa set point sa kill ni Bualee.
Ngunit gumanti ng palo si Pablo bago ang magkasunod na spiking errors nina Daquis at Bualee para makauna ang Lady Bulldogs.
Agad na nagpasiklab ang Lady Eagles at hi-nawakan ang 19-13 kalamangan pero nawala ang kanilang tikas dahil sa pagdodomina ni Santiago at ang kontrobersyal na four-touches na tawag sa kanila.
- Latest