Huling semis slot paglalabanan ng Fruitas at Big Chill
MANILA, Philippines - Isa sa Fruitas at Big Chill ang mamamaalam na matapos ang kanilang tagisan ngayong hapon sa PBA D-League Foundation Cup quarterfinals sa Blue Eagle Gym sa Katipunan, Quezon City.
Magkukrus ang landas ng Shakers at Superchargers sa ganap na ika-3 ng hapon at ang mananalo ay aabante sa Final Four habang bakasyon na ang lalasapin ng matatalo.
Nagkaroon ng do-or-die game nang hiritan ng tropa ni coach Robert Sison ng 77-72 panalo ang bataan ni coach Nash Racela noong Martes.
Bagama’t may momentum, alam ni Sison na ibang laban ang haharapin ng kanyang mga manlalaro kaya’t umaasa siyang may ilalabas pang tikas ang mga ito.
“This is going to be a different ball game. The team that wants it most will win,†wika ni Sison.
Ang ipinakitang tikas sa unang paghaharap ay dapat na lumabas uli bukod pa sa husay ng pagla-laro nina Terence Romeo, Mac Montilla at baguhang si Jeckster Apinan.
May 29 si Romeo, 22 ang ibinigay ni Montilla habang 12 puntos at 13 rebounds ang hatid ni Apinan na kinuha sa EA Regen.
Handa naman na higitan ng Shakers ang la-rong ipakikita ng kalaban upang huwag masayang ang hawak na twice-to-beat advantage nang nalagay sa ikaapat na puwesto sa elimination round.
Manumbalik ang husay sa pagbuslo ang isa sa dapat na mangyari sa Shakers na haharap sa mahalagang larong ito bitbit ang dalawang sunod na pagkatalo.
Ang lider ng koponan na si Carlo Lastimosa ay inaasahang mangunguna sa laban ng Fruitas at pawiin ang di magandang ipinakita sa huling laro.
May 12 puntos lamang si Lastimosa sa 4-of-13 shooting upang tapusin ng Shakers ang laro bitbit ang 31.3% shooting (21-of-67).
Ang mananalo sa larong ito ang makakaharap ng NLEX habang ang Blackwater Sports at Boracay Rum ang siyang magtutuos sa isang semis series.
- Latest