Gatas versus alak!
MANILA, Philippines - Muntikan nang saya-ngin ng Barangay Ginebra ang kalamangang umabot sa 22 puntos pero nagpakita ng poise sa huli tungo sa 111-103 panalo sa Talk ‘N Text na nagbigay sa Kings ng ikalawa at huling finals berth sa Cebuana Lhuillier playoffs ng PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nagwagi ang Kings, 3-2 sa best-of-five semifinals bagama’t nadehado sa serye, 2-1 para makuha ang pagkakataong maka-laban ang Alaska sa best-of-five finals.
Sa unang paghaharap sa finals ng Aces at King sa loob ng nakaraang 16 taon, magsisimula ang championship series sa Miyerkules sa ganap na alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum pa rin.
Sa pangunguna ng 28 at 21 puntos nina LA Tenorio at Mac Baracael – mga dating Alaska players na nagtala ng kani-kanilang pinakamataas na iskor sa Ginebra, bumalik sa PBA Finals ang Ginebra pagkatapos ng dalawang seasons na pagkawala o mula nang matalo sa Talk ‘N Text sa 2011 Commissioner’s Cup finals, 4-2.
Dumating sa laro na nawalan na naman ng isang key player sa katauhan ni Ranidel de Ocampo (right calf injury), ang Talk ‘N Text na nalagasan na ng mga tulad nina Kelly Williams (rare blood disorder) at Jared Dillinger (hip bone fracture) at wala pa sa 100% na si Jimmy Alapag (right calf muscle injury), ay pinagbidahan muli ng 42 puntos ni Tony Mitchell pero 12-of-35 lamang mula sa field.
- Latest