Rockhen nakapanorpresa
MANILA, Philippines - Nakapanorpresa ang kabayong Rockhen nang mapabilang sa mga nanalo sa idinaos na karera noong Miyerkules ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si RC Landayan ang hinete uli ng kabayo na humarurot pagpasok sa huling 100-metro upang kunin ang panalo kahit naunang nalagay sa malayong ikatlong puwesto sa class division 1 na karera.
Naunang naglutsahan mula sa simula ang Gone With The Wind at Bahala Na at tila makukuha na ng huli ang panalo matapos umangat ng isa’t kalahating dipa papasok sa huling 100m ng 1,200m karera.
Pero naghihintay lamang pala ng tiyempo si Landayan kung kailan pahahatawin ang Rockhen para manalo ng isang kabayong layo.
Pumangalawa pa ang Gone With The Wind ni JA Guce bago sunod na tumawid ang Bahala Na ni Ed Villahermosa na naglakad na patungo sa meta.
Naipagpatuloy naman ng kaba-yong Narra ang pagpapanalo nang pa-ngatawanan ang pagiging liyamado sa mga tumakbo sa class division 7 race.
Walang masamang epekto ang pag-akyat uli ng dibisyon ng Narra matapos maisantabi ang labang ibinigay ng King Ramfire at Water Shed sa 1,100-metro distansyang karera.
Nanalo sa huling dalawang karera na ginawa sa class division 5 at 6, inilabas ni JB Bacaycay ang sakay na kabayo upang makaahon mula sa naunang kinalugaran na pang-anim na puwesto.
Kumayod nang kumayod ang Narra hanggang sa abutan ang nauuna nang King Ramfire sa huling 50-metro ng karera.
Ikatlong sunod na panalo ito ng Narra habang ikalawang sunod na segundo puwestong pagtatapos sa dibisyon ang naiposte ng pumangalawang kabayo na sakay ni Rodeo Fernandez.
Kuminang din ang Maypan na naitala ang ikalawang sunod na panalo sa handicap race four.
- Latest