Barako nagpasaklolo kay Mbenga
Bakbakan laban sa Petron Blaze, Rain or Shine at Globalport ang kailangang lusutan ni dating LA Laker DJ Mbenga upang humaba ang kanyang PBA tour of duty.
Kung ngayon matatapos ang PBA Commissioner’s Cup elimination round, di mapapasama ang koponan ni Mbenga (Barako Bull) sa playoffs dahil kasalukuyan silang nasa labas ng Top Eight.
Determinasyong makarating sa playoffs ang nagbunsod sa Barako Bull na pagtrabahuhan na paratingin sa bansa ang dating LA Lakers fan favorite sa huling yugto ng elimination round.
Sasagupain ni Mbenga sina Henry Sims (Petron), Bruno Sundov (Rain or Shine) at Sly Morgan (Globalport) sa huling tatlong laro ng Barako Bull.
Unang target na lagpasan ng Barako Bull ang Air21 (5-7) sa team standings. Hindi madali ang hu-ling dalawang laro ng Express na babangga sa San Mig Coffee at Petron.
Inaasahang magiging instant crowd draw ang Barako Bull dahil sa kanilang premyadong bagong import.
Kinalugdan ang 7-0 Congolese-Belgian sa ‘LA-LA-Land’ dahil siya’y naging magiting na sandalan sa frontline ng Lakers noong mga panahong out of commission sina Pau Gasol at Andrew Bynum noong 2009-10 NBA season.
Parte si Mbenga ng LA Lakers champion teams noong 2009 at 2010. Mapapasama si Mbenga sa maiksing listahan ng NBA champion players na tumapak sa PBA hard court.
Kasama sa mga natatandaang NBA ring holders na lumaro sa PBA sina Glenn McDonald (Boston, 1976), David Thirdkill (Boston, 1986), Billy Thompson (LA Lakers, 87), Wes Matthews (LA Lakers, 88), Dennis Hopson (Chicago, 91), Dickie Simpkins (Chicago, 96-97) at Scott Burrell (Chicago, 97).
Di malilimutan si McDonald (U/Tex, 1980 Open) at Thirdkill (Tanduay, 1987 Reinforced) dahil sumungkit sila ng kampeonato sa PBA.
Taong 1981 nagsimulang magbigay ang PBA ng Best Import award. Napanalunan ito ni Thirdkill at ganoon din ni Matthews (Ginebra, 1991 third conference).
Galing rin sa elite NBA team si two-time PBA Best Import awardee at PBA Hall of Famer Billy Ray Bates. Halos buo pa ang 1977 Portland champion team nang mapasama sa Bates sa koponan noong 1979.
Tumikada si Bates ng double-digit averages sa kanyang tatlong taon sa Portland (11.3 noong 1979-80, 13.8 noong 80-81 at 11.1 noong 81-82).
- Latest