4 junior boxers tangka ang finals: Asian Youth Boxing C’ships
MANILA, Philippines - Puwesto sa finals ang pilit na susuntukin ng apat na pambato ng Pilipinas sa pagbatingaw ng bell sa 2013 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships semifinals ngayon sa Subic Gym.
Inaasahang dadagsain ng mga Pinoy ang palaruan para bigyan ng mas mainit na suporta ang mga boksingerong sina Jade Bornea, Eumir Felix Marcial, Ian Clark Bautista at James Palicte.
Ang flyweight na si Bautista at lightweight na si Palicte ay nanalo sa kanilang laban noong Miyerkules ng gabi para umusad sa semifinals.
Tinalo ni Bautista si Sagidyk Moldashev ng Kazakhstan, 15-7, habang ang nagbabalik sa National team na si Palicte ay nangibabaw kay Nagashe A Kharare ng India, 10-7, para samahan ang light flyweight na si Bornea at light welterweight na si Marcial.
Nadisgrasya naman si Jonas Bacho sa bantamweight dahil ininda niya ang pamamaga ng kanang kamay para lasapin ang 8-9 pagkatalo kay Nursuitan Nisanbaev ng Uzbekistan.
Ang suporta ng mga manonood ang siya talagang sinasandalan ng apat na boksingero upang makahugot ng dagdag kumpiyansa sa pagsukat sa mga dayuhan sa pala-rong inorganisa ng ABAP-PLDT at suportado ng MVP Sports Foundation at Subic Bay Metropolitan Authority.
“Sa tingin ko makakaya kong manalo sa tulong ng mga Filipino na susuporta sa atin at gagawin ko ang lahat para manalo ako,†wika ng 2011 World Junior gold medalist na si Marcial.
Kaharap ng 17-anyos at 5’9†na si Marcial si Anvar Turamov ng Uzbekistan na ikalimang laban sa pang-hapong laro.
Si Bornea na nanalo ng bronze medal sa 2012 World Youth Championships ang magbubukas ng kampanya ng Pilipinas para sa puwesto sa finals sa pagharap kay Shatlykmyrat Myradov ng Turkmenistan.
Kalaban ni Bautista si Masaya Kobayashi habang si Palicte ay mapapalaban kay Norobal Otgontumuk ng Mongolia na mapapanood sa gabi.
- Latest