Bautista, Palicte naghatid ng panalo para sa Pinoy Youth Boxers
MANILA, Philippines - Dumaan sa butas ng karayom sina Ian Clark Bautista at James Palicte bago nakuha ang mga panalo sa pagbubukas kahapon ng 2013 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championship sa Subic gym.
Naunang sumalang si Bautista na nakuha ang 33-30 panalo sa count back kay Kavinder Bisht ng India sa flyweight division.
Dominado ni Bautista ang unang dalawang round sa 3-round bout matapos hawakan ang 6-4 at 8-7 kalamangan.
Pero naging agresibo si Bisht sa huling round na kanyang dinomina, 3-2, para magtabla ang dalawa sa 10-all at isailalim sa count back ang laban na pumabor kay Bautista.
Nakitaan din ng tibay si Palicte na hindi pinaporma si Yuuta Akiyama ng Japan tungo sa 11-9 panalo sa lightweight division.
Sa first round pa lamang ay pinupog na ng suntok ni Palicte ang Hapon para sa 4-2 kalamangan. Nakontento sa depensa si Palicte sa sumunod na dalawang rounds para mapanga-lagaan ang dalawang puntos na abante.
Si 2011 World Youth champion Eumir Felix Marcial ang ikatlong boksingero na sumalang sa u-nang araw ng kompetisyon na inorganisa ng ABAP-PLDT at may ayuda pa ng Subic Bay Metropolitan Authority kahapon.
Kalaro ni Marcial si Chamurat Cherkezov ng Turkmenistan sa light welterweight class habang sinusulat ang balitang ito at hanap ang ikatlong sunod na panalo ng Pilipinas.
Ngayong araw naman nakatokang sumalang ang huling dalawang boksingero ng bansa na sina World Junior bronze me-dal winner light flyweight Jade Bornea at bantamweight Jonas Bacho.
Si AIBA president Dr. Ching-Kuo Wu kasama si ASBC executive director Aziz Kozhambetor ang mga nanguna sa opening ceremony.
- Latest