Salud hihiranging Executive of the Year sa PSA Awards
MANILA, Philippines - Tatlumpung taon na ang nakakaraan at patuloy pa rin ang sigla ng Philippine Basketball Association bilang No. 1 sports entertainment sa bansa.
At noong nakaraang taon ay muli nila itong ipinakita.
Nagtala ang pioneer pro ball league sa Asya ng bagong record sa gate receipt sa halagang P114 milyon sa kanilang banner season na nagtampok sa pagkakampeon ng tatlong magkakaibang koponan.
Tinabunan nito ang all-time gate receipt mark na P90 milyon noong 2011.
At ang naturang mga marka ay nakamit ng PBA sa ilalim ni Commissioner Chito Salud.
Dahil dito, kinilala ng Philippine Sportswriters Association (PSA) si Salud bilang 2012 Executive of the Year.
Bibigyan ang anak ni dating PBA Commissioner Atty. Rodrigo Salud ng karangalan sa PSA-Milo Annual Awards Night sa Marso 16 sa grand ballroom ng Manila Hotel.
“The Board was unanimous in its choice. There’s no perfect person for the PSA Executive of the Year award than PBA commissioner Chito Salud,†sabi ni Tempo sports editor Rey Bancod at PSA president.
Si Salud ang ikatlong makakatanggap ng nasabing award na inilunsad noong 2010 ng pinakamatandang media organization sa gala night na inihahandog ng Rain or Shine, Globalport 900, Meralco, Senator Chiz Escudero, PBA, LBC, Smart, Philippine Sports Commission, ICTSI at Philippine Golf Tour.
Bukod sa pagpapa-lakas sa PBA, nagawa rin ni Salud na pag-isahin ang Board representatives ng 10 koponan para ipahiram ang kanilang mga players sa Gilas Pilipinas team na sasabak sa FIBA-Asia Men’s Basketball Championships na muling pamamahalaan ng bansa matapos ang 40 taon.
Si Salud ay isa lamang sa higit sa 50 personalidad na bibigyan ng tribute.
Mangunguna sa mga honorees ay sina Athlete of the Year award co-winners Nonito Donaire Jr., Josie Gabuco, ang Manila women’s softball team at ang Ateneo Blue Eagles.
- Latest