Casimero paparangalan sa 13th Elorde Awards
MANILA, Philippines - Isa sa apat na boksi-ngero si Johnriel Casimero, inangkin ang interim IBF lightflyweight title noong 2012 kung saan sinalakay sila ng mga galit na galit na Argentinian fans sa itaas ng boxing ring, na pararangalan sa 13th Gabriel ‘Flash’ Elorde Memorial Awards and Banquet of Champions sa Marso 25 sa Sofitel Hotel.
Ang 22-anyos na si Casimero ang pinakabata sa limang boksingerong pararangalan kasama sina WBO at WBA flyweight champion Nonito Donaire Jr., WBO at WBA flyweight titleholder Brian Viloria, WBO light flyweight ruler Donnie Nietes at WBC flyweight king Sonny Boy Jaro para sa awards night na iniaalay kay boxing legend Flash Elorde.
Tatanggapin ni Donaire ang Flash Elorde Memorial Belt, ibibigay sa kauna-unahang pagkakataon sa pinakamahusay na world champion sa loob ng isang taon.
Isasabay sa nasabing annual awards rites ang pagdiriwang sa pang-78 kaarawan ni ‘Da Flash,’ ang unang Filipino na iniluklok sa International Hall of Fame matapos maging world junior lightweight champion sa loob ng pitong taon simula noong 1960.
Tinalo ng Ormoc City native na si Casimero si Argentinian Luis Alberto Lazarte na nagresulta sa pagsugod sa kanya ng mga Argentinian fans sa ibabaw ng boxing ring.
Umiskor naman si Casimero ng isang split decision win kontra kay Mexican Pedro Guevara sa Mexico para mapanatiling suot ang kanyang korona noong Agosto 4, 2012.
Pararangalan din ang mga Filipino international champions bukod pa sa best promoter, trainer, judge at referee, ang best fight of the year, ang most promising boxer. Bibigyan naman ng pagkilala ang mga indibidwal at institusyon na tumulong sa promosyon ng professional boxing noong 2012.
Isang espesyal na boxing card din ang inihanda pagkatapos ng awarding.
- Latest