Barako Bull nais solohin ang 2nd, kulelat na Ginebra babangon
MANILA, Philippines - Ambisyon ng Barako Bull na parisan ang pinakamagandang simula ng prangkisa sa isang conference sa PBA sa kanilang pakikipagharap sa naghihingalo pero delikadong Barangay Ginebra sa pagpapatuloy ng Commissioner’s Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Makakasagupa ng Energy Cola ang Kings sa alas-7:30 ng gabing ikalawang laro hangad ang kanilang pang-apat na panalo sa limang laro na dalawang beses na nilang nagawa dati – sa Philippine Cup ng nakaraang season at noong 2007 Fiesta Conference habang dala pa ang pangalang Air21.
Kasalo sa pangalawang puwesto ng Barako Bull ang Petron Blaze na may 3-1 panalo-talo rin samantalang nasa ilalim naman ng standings sa kanilang 0-4 record ang Barangay Ginebra, ang nag-iisang koponan na lamang na wala pang panalo sa second conference ng liga.
Sa alas-5:15 ng hapong unang laro naman ay ang salpukan ng humaharurot na Rain or Shine (2-1) at ng galing sa back-to-back na pagkatalong Air21 (1-2).
Kung ang Kings ay galing sa 84-69 na pagkatalo sa Alaska sa Tubod, Lanao del Norte noong Sabado bagama’t nagpalit na ng import sa katauhan ni Vernon Macklin, ang Energy Cola ay galing naman sa 91-86 tagumpay sa Express noong Biyernes sa MOA Arena.
Patuloy ang sorpresang tagumpay ng Barako Bull sa ilalim nina interim head coach Bong Ramos at active team consultant Rajko Toroman bagamat may sangka-terbang injuries ang mga players.
- Latest