Maaksiyong karera sa Metro Turf
MANILA, Philippines - Hitik sa aksyon ang natunghayan ng bayang-karerista sa idinaos na pista noong Sabado sa Metro Turf Club Inc. sa Malvar, Batangas.
Ang pagkakaroon ng mga added prize na nasa P10,000.00 para sa mananalong kabayo ang tila na-ging inspirasyon ng mga nagtagisan kaya’t naging dikitan at kapana-panabik ang mga karerang nasila-yan sa bagong karerahan.
Sa unang dalawang races pa lamang ay hindi na mapakali ang mga mananaya dahil sa meta lamang nagkatalunan ang mga naglaban habang ang sumunod na mga tagisan ay nadetermina ang mga nanalo matapos ang matinding rematehan.
Ang Fourth Dan na hawak ni AR Villegas ang unang kumuha ng panalo sa isang 3YO Maiden 1, 2 at 4 YO Maiden race na sinalihan ng anim na kabayo.
Sa 1,200m idinaos ang labanan at ang nagbakbakan ay ang Fourth Dan, Tarzan at Obelisk. Nasa ikatlong puwesto pa ang Fourth Dan pero ilang hagupit ng latigo ay nagresulta upang maabutan pa sa meta ang Tarzan na ginabayan ni Mark Alvarez.
Ang race two ay mainitan ding pinaglabanan ng Just For Keeps at Escolta na siyang namayagpag sa naunang yugto ng tagisan.
Isang class division 1 ang labanan sa hanay ng anim na kabayo na nagsukatan sa 1,400m distansya at ang Escolta ang angat pero nakabuntot lamang ang Just For Keeps na ginabayan ni EG Reyes.
Sa huling 100 metro ng karera ay nakalayo pa ang Escolta ni CB Tamayo pero naubos ito kasabay ng pagharurot ng Just For Keeps tungo sa isang ulong kalamangan sa finish line.
Hindi naman nasayang ang paglahok ni class A jockey Pat Dilema na naipanalo ang dalawang ginabayan para pangunahan ang kanyang hanay.
- Latest