Hagdang Bato nanguna sa 2013 PCSO Freedom Cup
MANILA, Philippines - Magarang panimula ang naitala ng Hagdang Bato nang walang hirap na pagharian ang 2013 PCSO Freedom Cup Race na siyang tampok na karera sa pagtatapos ng pista kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Walang nabago sa kilos ng kabayo na patuloy pa ring ginabayan ni joc-key Jonathan Hernandez para agad na buksan ang kampanya sa taon bitbit ang panalo.
Ito rin ang ika-12 sunod na panalo kung isasama ang 11-0 karta noong 2012 at naipagkaloob ng Hagdang Bato sa kanyang connections sa pangunguna ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos, ang P1.2 milyong gantimpala mula sa P2 milyon na pinaglabanan sa karerang itinaguyod ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Tulad ng dapat na asahan, ang nakaribal ng Hagdang Bato ay ang Magna Carta na ginabayan ni Jessie Guce sa 1,600m distansyang karera.
Ang naturang kabayo ang siyang nagdikta ng tulin ng laban at sinikap na lumayo sa outstanding favorite na tumakbo kasama ang coupled entry na Barkley.
Ngunit hindi makahulagpos ang kabayong pag-aari ni Michael Dragon Javier at sa huling kurbada ay tumulin na ang takbo ng Hagdang Bato para kunin ang liderato sa karera.
Isa rin sa posibleng nagpahirap sa Magna Carta ay ang ipinataw na 58.5 kilos handicap weight na 3.5 kilos na mas mabigat kumpara sa 55 kilos na inilagay sa Hagdang Bato.
Inaasahang sunod na tatakbuhin ng apat na taong kabayong hinirang bilang Horse of the Year ng nagdaang taon, ay ang Chairman’s Cup sa susunod na buwan.
Samantala, kasama sa nagpasikat ay ang kabayong State Witness na dinomina ang Sorteo Cup na inilagay sa 1,000m distansya.
Naibulsa ng connections ng pitong taong State Witness ang P180,000.00 premyo na ibinigay ng Philippine Racing Commission (Philracom).
- Latest