FIBA-Asia c’ships watch
Labas sa Iran, nag-qualify na rin para sa 2013 FIBA Asia Championships ang Lebanon at Jordan – dalawa sa mga matitigas na koponan mula sa Middle East.
Of course, awtomatikong pasok ang Gilas Pilipinas bilang host team. Sumunod na pumasok ang Iran matapos nitong pagharian ang nakaraang FIBA-Asia Cup sa Tokyo, Japan.
Sa likod nito, hindi nag-relax ang Iran at pumukpok pa rin ng husto upang kunin din ang korona sa West Asia Basketball Association (WABA) Championships. Ang WABA ang counterpart ng SEABA, ang FIBA- Asia sub-zone na kinabibilangan ng Pilipinas.
Tinalo ng Iran ang Lebanon, 100-86, sa overtime para sa kampeonato at lumusot din ang Jordan sa butas ng karayom upang kunin ang third place kontra sa Iraq, 86-80.
Sa pagpasok sa Top 3, sumungkit na rin ang Lebanon at Jordan ng ticket papunta sa Asian meet na nakatakda sa Aug. 1-11 sa MOA Arena.
Muntik pang matalisod ang Jordan – ang koponan na tumalo sa Gilas Pilipinas sa semifinals sa nakaraang FIBA-Asia Championships sa Wuhan, China.
Dahil wala ang kanilang star guard na si Sam Dahgles, kinailangan ni forward Wesam Alsous na kumamada ng 30 puntos upang ilusot ang Jordan sa balag ng alanganin.
Isang malaking balakid sana ang nabawas sa Gilas Pilipinas kung ‘di nakabangon ang Jordan.
Sa championship game, sumungkit ng 26 puntos si Samad Bahrami at nagdagdag ng 22 si Asghar Kardoust upang pangunahan ang kampanya ng Iran. Pawang beterano sa Iran national team sina Bahrami at Kardoust.
Para sa Lebanon, nanguna sa laban ang kanilang bagong naturalized player na si Terry Rayshawn at ang walang kupas na star player na si Fadi El-Khatib.
Si Reyshawn ay 6-foot-8 forward na kabilang sa North Carolina team na sumungkit ng 2005 US NCAA championships. Pinili siya ng Orlando Magic 44th overall sa 2007 NBA Draft.
Mapapansin na sa loob ng isang taon, nakatatlong palit na ng naturalized player ang Lebanon. “Para lang silang nagpapalit ng brief kung magpalit ng naturalized player,†ani Gilas Pilipinas coach Chot Reyes.
Nilaro nila si dating Meralco import Jarrid Famous sa Jones Cup at pagkatapos ay sinubukan si Garnett Thompson sa FIBA-Asia Cup.
Inamin ni Reyes na tumingin din sila ng mas ma-galing na naturalized player. Ngunit malaking concern ang pasweldo at ang pag-approve sa naturalization.
Kinonsidera si Javale McGee bago ito pumirma ng malahiganteng kontrata sa Denver Nuggets. Ngunit kakailanganin ng Pilipinas na maglabas ng napakalaking halaga para lamang sa insurance kung papalaruin si McGee sa ating National team.
Nagsimula ng mag-ensayo ang Magnificent 17 ni Reyes noong Lunes. Malamang na dito na manggaling ang final 12 ng Gilas Pilipinas para sa 2013 FIBA Asia Championships.
- Latest