Kumpleto na ang Spurs
CLEVELAND -- Naipon ng San Antonio Spurs ang lahat ng kanilang mga star players sa unang pagkakataon, ngunit ang game-winning shot ay nagmula sa isang role player.
Isinalpak ni Kawhi Leonard ang isang 3-pointer sa natitirang 2.9 segundo para tulungan ang San Antonio sa 96-95 tagumpay kontra sa Cleveland Cavaliers nitong Miyerkules ng gabi.
Napagsabay-sabay ng Spurs, naipanalo ang 14 sa kanilang huling 15 laro, sina Tim Duncan, Tony Par-ker at Manu Ginobili sa laro sapul noong Enero 13.
Subalit si Leonard ang nagligtas sa San Antonio.
Bago ang tres ni Leonard para sa panalo ng Spurs ay tumipa muna si Dion Waiters ng isang jump shot sa huling 9.5 segundo para ilagay ang Cavaliers sa unahan, 95-93. Tumawag ang San Antonio ng timeout makaraan ang nasabing tirada ni Waiters.
Nagbigay ng foul ang Cavaliers kay Duncan sa nalalabing 8.8 segundo kasunod ang pagtanggap ng inbounds pass ni Parker na sumalaksak sa gitna at pinasahan si Leonard sa gilid.
“We practiced that 1,000 times so I knew we’d be able to execute it,’’ sabi ni Spurs coach Gregg Popovich. “If Tony had the open layup, he would’ve have gotten the layup. That was his alternative.’’
Tumapos si Parker na may 24 points para sa San Antonio.
Naimintis naman ni Kyrie Irving, may season-low na 6 points, ang kanyang desperadong runner sa pagtunog ng final buzzer.
- Latest