Providence nakatikim ng panalo bilang 4YO
MANILA, Philippines - Kumubra ng panalo bilang isang four-year old horse ang Providence nang manalo sa karerang ginawa noong Huwebes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Roderick Hipolito ang sakay pa rin ng kabayo na napangatawanan ang pagiging liyamadong kabayo sa 1,300m, 4YO Maiden-1-2 karera.
Pinanood lamang ni Hipolito ang mga naunang nagpasikat na Indemand at Building Code.
Ang huli na nirendahan ni jockey JB Guce ang nasa balya at umalagwa sa pagsapit sa backstretch habang ang Providence na nasa ikatlong puwesto ay kumilos din.
Inilabas ni Hipolito ang sakay na kabayo at humarurot upang pagpasok sa huling liko ay nakaangat na.
Hinagupit ng latigo ni Guce ang sakay na kabayo pero wala na itong ibinigay pa habang kusang tumulin ang Providence tungo sa halos tatlong dipang panalo.
Unang panalo ito ng kabayong anak ng Canny Lad at Illustria at naghatid ang win ng P5.00. Ang forecast na 5-1 ay nagbigay ng P17.00 dibidendo.
Nakahabol din ng panalo sa unang buwan ng taon ang mga nadehado pang Huatulco at Puuuma sa nilahukang karera.
Si Rodeo Fernandez ang hinete ng dalawang kabayong nabanggit upang pangunahan ang mga hineteng nagpasikat sa huling araw sa buwan ng Enero.
Ang pinakadehadong kabayo ay ang Huatulco na may dalawang dikit na pang-apat na puwestong pagtatapos sa naunang dalawang takbo sa buwang ito.
Binigyan ng hamon ng Storm Trooper na dala ni apprentice rider JV Ponce at pinatawan ng pinakamagaan na peso na 51 kilos ang Huatulco pero hindi ito nakaporma sa ibayong tikas ng nanalong kabayo.
May P33.50 ang ipinasok ng win ng Huatulco habang P194.00 ang 1-3 forecast.
Second choice naman ang Puuuma sa Philracom Handicap Race (15) na inilagay sa 1,300m distansya pero kondisyon din ang nasabing kabayo tungo sa tagumpay matapos ang dalawang takbo.
Sa pagbukas ng aparato ay umalagwa na ang nanalong kabayo at hindi siya inabutan ng mga katunggali tungo sa banderang-tapos.
Ang Ooo La La’s Gold na siyang pinaboran ay rumemate sa huling 50-metro at kinapos ng kalaha-ting-kabayong agwat para sa ikalawang puwesto.
May P27.00 ang halaga ng win habang nasa P46.00 ang 6-4 forecast.
- Latest